Pangulong Marcos, inihayag ang tatlong pangarap nito para sa sektor ng agrikultura

Pangulong Marcos, inihayag ang tatlong pangarap nito para sa sektor ng agrikultura

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang tatlong pangarap nito para sa sektor ng agrikultura ng bansa sa kanyang lingguhang vlog kahapon, araw ng Linggo.

Kabilang sa pangarap ni Pangulong Marcos ang maitaguyod ang kita ng mga magsasaka, seguridad sa pagkain at abot-kayang presyo ng pagkain para sa lahat.

Aniya, kapag matiyak ang magandang kita ng mga magsasaka ay marami ang mahihikayat na pumasok sa larangan ng agrikultura.

“Simple lang naman ang pangarap ko. Kailangan magkaroon ng kumikitang kabuhayan ang ating mga magsasaka ng sa ganon maengganyo ang susunod pang mga henerasyon na ipagpatuloy ang industriyang ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon din kay Pangulong Marcos, nais nito na magkaroon ng sapat na pagkain ang bansa na kung maaari ay hindi na kailangan pang mag-angkat sa ibang bansa kundi tatangkilikin na lamang ang lokal na produkto.

“Pangalawa, magkaroon tayo ng seguridad sa pagkain na ‘di umaasa hangga’t maaari sa ibang bansa,” ani Pangulo.

Nais din ng Punong Ehekutibo na magkaroon ng abot-kayang halaga ng pagkain sa lahat ng Pilipino sa kabila ng pagtaas ng presyo ng pagkain at napipintong kakulangan nito.

“At pangatlo, ang magkaroon ng murang pagkain para sa lahat. Ang pangarap ko ay wala nang gutom na Pilipino. At tiyak ko na pangarap rin ng bawat isa sa atin ‘yan,” ayon pa ng Pangulo.

Aniya, napamahal na nito ang agrikultura sa 12 taong panunungkulan bilang gobernador sa Ilocos Norte.

“Nakita ko ‘yung aming nagawa, nakita ko ang maaring gawin kaya alam ko na kaya nating ayusin itong mga problemang hinaharap ng ating mga magsasaka at ng buong agrikultura na sektor,” aniya pa.

Aniya nakakaapekto hindi lang sa mga magsasaka at mangingisda ang mga problema na kinakaharap ngayon sa industriya ng agrikultura kundi maging sa bawat pamilyang Pilipino.

Tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na pagsisikapan ng pamahalaan na maabot ang pangarap na kanyang binanggit.

BASAHIN:  Agriculture, Fisheries and Rural Development Financing Enhancement Act of 2022, naisabatas na – OP

Follow SMNI News on Twitter