Halos 7-M residente sa Victoria State sa Australia, naka-lockdown

Halos 7-M residente sa Victoria State sa Australia, naka-lockdown

HALOS 7 milyong residente sa Victoria State sa Australia ang naka-lockdown ngayon matapos ang outbreak ng “highly infectious” Indian COVID-19 strain.

Ayon kay Victoria State Acting Premier James Merlino, ang Indian variant na binabantayan nila ay ang pinakamabilis makapanghawang variant na naitala sa bansa.

Ani Merlino, sa loob lamang ng isang araw ay kaya makapanghawa ng naturang variant kumpara sa ibang mga strain na tumatagal pa sa loob ng lima hanggang anim na araw.

“We’re dealing with a highly infectious strain of the virus, a variant of concern, which is running faster than we have ever recorded,” ayon kay Merlino.

“Unless something drastic happens, this will become increasingly uncontrollable,” dagdag nito.

Kaugnay nito, nasa 10,000 primary at secondary contact sa bansa ang sasailalim sa quarantine.

Karamihan sa mga infected ay bumisita sa mga crowded na lugar gaya ng sports stadium at pinakamalaking shopping center sa bansa dahil dito ay asahan aniya na lolobo ang kaso ng COVID-19 sa lugar.

Magsimula ang lockdown sa 11:59pm (local time) ngayong Huwebes hanggang Hunyo 3.

Sa panahong ito, hindi pahihintulutan ang mga residente na lumabas ng kanilang bahay maliban na lamang sa mga essential worker, healthcare worker, bibili ng grocery, mag-ehersisyo o magpapabakuna.

Samantala, pinangangambahan din ng bansa ang posibleng outbreak lalo na’t malapit na ang winter season.

(BASAHIN: Australia, ipinagbawal ang paggamit ng AstraZeneca vaccine sa mga nasa edad 50 pababa)

SMNI NEWS