Nasawi ang hindi bababa sa pitong Palestinian, kabilang ang Hamas internal security chief, sa magkakahiwalay na air strike ng Israel sa Gaza Strip.
Kinilala ang opisyal na si Naeem Abu Nahel, 50 anyos, na tinarget ng Israeli military habang naglalakad malapit sa tent camp ng mga displaced residents sa Gaza City.
Kinumpirma nina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Defense Minister Israel Katz ang pagkamatay ni Abu Nahel, na sinabing may mahalagang papel sa operasyon ng Hamas security service.
Anim pang Palestinian ang nasawi sa dalawang naunang air strike sa Wadi Gaza at Al-Mawasi, kabilang ang isang teenager at dalawang police officer.
Ayon sa Israeli military, mga militanteng target ang kanilang inatake, habang inakusahan naman ng Gaza police ang Israel ng patuloy na pag-target sa kanilang hanay.
Patuloy ang pag-atake sa Gaza sa kabila ng ceasefire na napagkasunduan noong Oktubre 2025.
