MAS malinaw na ngayon ang responsibilidad ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Labor and Employment (DOLE) na dati-rati ay nagsasapawan sa ilang trabaho.
Sa isang joint circular na pinirmahan ngayong araw, ay naging mas malinaw at epektibo na ang pagpatutupad ng Republic Act No. 11641 o ang batas na magtatag ng departamento na tututok sa mga kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi ni DOLE Sec. Laguesma, bagamat 2 years pa ang maximum period para sa transition sa pagitan ng dalawang ahensya ay minabuti na nilang gawin ito sa lalong madaling panahon.
Nakasaad sa joint circular ang paglipat ng 6 na ahensya ng DOLE papunta sa DMW.
Kabilang dito ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Philippine Overseas Labor Offices (POLO’s), International Labor Affairs Bureau (ILAB), National Reintegration Center for OFW’s (NRCO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at National Maritime Polytechnic (NMP).
Ayon kay Sec. Susan Toots Ople, inilipat sa DMW ang 6 na ahensya dahil sakop nito ang mga polisiya na may kinalaman sa migrant workers.
“The joint circular sets the limits on what the DMW and DOLE can do together and opens the doors for so many opportunities for collaboration and innovation. We’re looking at how to apply digital solutions to ease the burden on the shoulders of our OFWs who only want to find better opportunities overseas,” ani Sec. Susan “Toots” Ople, Department of Migrant Workers (DMW)
Dagdag pa ni Sec. Ople, tututukan din niya ang pagpabibilis ng mga proseso sa DMW lalo na ang application process ng mga OFW at pag-iisyu ng overseas employment certificate.
Sa kabila nito, mananatili pa rin sa hurisdiksyon ng DOLE ang quasi-judicial functions, pag-isyu ng mga lisensya sa mga recruitment at staffing agencies.
Habang ang DOLE secretary ay mananatili pa ring chairman ng POEA governing board at board trustees ng OWWA at NMP.
At sa pamamagitan ng pagtututok sa mandato, ang DOLE ay maghahatid ng mas mabilis at de-kalidad na serbisyo sa mga manggagawa sa bansa.
Habang ang DMW naman ay magtratrabaho ng eksklusibo para sa mga OFW, kung saan sila ay nakasentro lamang sa mga OFW o mas kilala sa tawag na modern-day heroes.
Pagbibigay-diin pa ng dalawang kalihim, epektibo na ang nasabing joint circular ngayong araw kung saan sinisiguro nila na tuloy-tuloy pa rin ang trabaho sa mga nabanggit na mga labor agencies.