MAY posibilidad na ibabalik sa mas mahigpit na General Community Quarantine (GCQ) ang ilang lalawigan sa bansa na kasalukuyang nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) status.
Ito ang inahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque subalit hindi pa tinukoy ng kalihim ang mga nasabing lugar na ilalagay muli sa mas istriktong quarantine measures.
Ang hindi pagtukoy sa mga lugar, ani Roque, ay upang hindi maimpluwensyahan ang pinal na pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mahalaga, sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na kumpirmado nang mayroong mga lalawigan na ibabalik sa GCQ mula sa MGCQ status.
“Magkakaroon ng escalation po from MGCQ magiging GCQ. At tama naman po na ilang mga probinsiyang scheduled for escalation ay naghahanda na para magpatupad ng mas mahigpit na community quarantine,” pahayag ni Roque.
Una rito, inerekomenda ng Department of Health (DOH) ang mas mahigpit na quarantine measures para sa Cordillera Administrative Region bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Kaugnay nito, patuloy ang pagdagdag ng isolation facilities sa Baguio dahil nasa critical level na ang health-care utilization rate sa lungsod.
Sa kabilang banda, sang-ayon naman ang mga alkalde sa National Capital Region (NCR) na palawigin ang umiiral GCQ dahil sa patuloy na banta ng nakamamatay na virus at matapos ding ma-detect ang bagong variant ng COVID-19 sa Pilipinas.