Imbestigasyon sa posibleng kapabayaan ng Makati Police sa Dacera Case, ipinag-utos

PORMAL nang iniutos ni Philippine National Police Chief Police General Debold Sinas sa Directorate for Investigation and Detective Management upang imbestigahan ang posibleng kapabayaan ng Makati police sa pangangasiwa sa kaso ng namatay na flight attendant na si Christine Dacera.

Pinatitiyak din ni General Sinas na bago ang January 13 o ang pagsisimula ng preliminary investigation sa kaugnay sa isinampang kaso na rape with homicide kay Tintin Dacera, ay agad na mapapasakamay na nito ang resulta ng imbestigasyon laban sa Makati Police Officers.

Una nang inalmahan ng Pamilya Dacera ang naging proseso ng Makati Police Medico Legal Officer sa agarang pagsasagawa ng embalsamasyon sa bangkay ni Christine nang walang pahintulot sa pamilya nito.

Kinondena din ang pagsasagawa rin ng otopsiya ng mga pulis pagkatapos maembalsamo ang bangkay ng biktima.

Ayon kay NCRPO Chief Police Brigadier General Vicente Danao III, isa sa mga tinitingnan ngayon ng kanilang investigating team ang posibleng lapses ng Makati Police officers mula sa nasabing proseso.

Nakatakda ring isama sa presentasyon ng ebidensiya ang ilang paglabag ng hotel kung bakit pumayag ang pamunuan nito para tumanggap ng mga bisita gayong isang quarantine facility ang hotel na pinangyarihan ng insidente.

“As of now, we are still collating pieces of evidence, especially statements from would-be key witnesses, and we are still awaiting the results from the forensic science being conducted by the crime lab,” pahayag ni Danao.

“All of these will be properly submitted before the fiscal during the preliminary investigation,” aniya pa.

Samantala, sa isa namang pahayag ay nagpasalamat si Claire de la Fuente sa publiko at sa iba pang indibidwal na nagmagandang loob para sa mga ipinaabot na tulong pinansiyal sa kaniyang anak at sa iba pang persons of interests sa kaso.

Ayon pa kay De la Fuente, bumuhos ang tulong pinansiyal para sa ilang personalidad na isinasangkot sa kontrobersyal na pagkamatay ng flight attendant na si Tintin.

Matatandaang, nanawagan ang apat sa mga tinaguriang “persons of interest” sa kaso ni Dacera ng financial assistance para sa pagbabayad ng kanilang mga abogado.

Ayon mismo sa singer na si Claire de la Fuente bagama’t hindi man kalakihan ang ipinapaabot na tulong ng ilan, malaki na rin ang pagpapasalamat niya sa mga ito.

Si Valentine Rosales ay isa din sa umapela ng tulong pinansyal sa publiko.

Ayon kay Rosales na isa sa matalik na kaibigan ng biktima, nahihirapan umano sila na bayaran ang kanilang kinuhang abogado.

Matapos gawin ang naturang pahayag sa kaniyang Twitter account, agad na umani ito ng libu-libong re-tweets at likes.

Ilang beses na ding iginiit nina Rosales at tatlo pa nitong kasama na wala silang kinalaman sa pagkamatay ni Dacera sa kabila ng sinabi ng mga otoridad na di-umano’y hinalay muna bago patayin ang dalaga.

Naniniwala ang mga kaibigan ng biktima na natural cause ang dahilan sa pagkamatay ni Dacera at walang naganap na foul play.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.