Hiling ng US na manirahan ang Afghan refugees sa bansa, pinaiimbestigahan ni Sen. Imee

Hiling ng US na manirahan ang Afghan refugees sa bansa, pinaiimbestigahan ni Sen. Imee

HINIMOK ni Senator Imee Marcos si Defense Secretary Gilbert Teodoro at National Security Adviser Eduardo Año na bigyang-linaw ang kahilingan ng United States na payagan ang ilang Afghan refugees na pansamantalang manirahan sa Pilipinas.

Si Marcos, chairperson sa Senate Committee on Foreign Relations, ay kinuwestiyon kung bakit gusto ng gobyerno ng US na tumira ang mga Afghan sa Pilipinas sa halip na sa Amerika o mga bansang mas malapit sa Afghanistan.

Sa Senate Resolution 651, na inihain noong Huwebes, nanawagan siya para sa isang imbestigasyon sa tunay na intensiyon sa likod ng kahilingan ng U.S.

“During the past year, security and espionage threats have substantially increased because of the sharp escalation in tension between rival superpowers,” saad ni Sen. Imee Marcos.

Ayon sa senadora, ito ay dahil sa wala pang datos na isinapubliko sa katayuan ng nasabing mga Afghan bilang mga lehitimong refugee o empleyado ng gobyerno ng U.S. o mga kompanyang Amerikano.

Nagsagawa ng “Technical Coordination Meeting” ang Presidential Management Staff (PMS) kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno, araw ng Miyerkules para talakayin ang suhestiyong pansamantalang pagpapatira sa bansa ng mga Special Immigrant Visa applicants mula sa Afghanistan.”

Gayunpaman, ang mga ahensiya ng gobyerno na tinawag upang dumalo ay bigong matalakay ng maayos ang bagay na ito dahil ang PMS ay hindi nagbigay ng mga detalye tungkol sa pulong maliban sa pangkalahatang paksa, petsa, at lugar nito.

Ang mga pinagmumulan ng impormasyon sa pulong ay nagsabi kay Marcos na ang isang memorandum ng kasunduan ay ginagawa na.

Sinabi ni Imee na “May kakulangan ng transparency sa kasalukuyang kaso,”  na inihambing ang patakaran ng nakaraang administrasyon sa pagtanggap ng mga Afghan refugee nang sakupin ng Taliban ang kanilang tinubuang-bayan noong Agosto 2021 kasunod ng pag-alis ng mga tropang Amerikano.

Ang Philippine Immigration Act of 1940 ay nagsasaad na ang pagtanggap ng mga refugee para sa mga kadahilanang panrelihiyon, pampulitika, o lahi ay dapat magsilbi sa isang layuning makatao at hindi sumasalungat sa interes ng publiko.

Sa huli ay nais lamang ng senadora na malaman kung anong klaseng kasunduan meron ang Pilipinas at Estados Unidos kaugnay sa nasabing issue at ano ang magiging tugon ng gobyerno dito.

Follow SMNI NEWS in Twitter