Imee Marcos kinuwestiyon ang $10-M donation ng gobyerno sa World Health Organization

Imee Marcos kinuwestiyon ang $10-M donation ng gobyerno sa World Health Organization

Ipinanukala ni Senador Imee R. Marcos ang P.S. Resolusyon Blg. 418 nitong Hunyo 1, na layong imbestigahan ang umano’y $10 million na donasyong ipinangako ng Pilipinas sa World Health Organization (WHO) sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).

Ayon sa senador, ‘Yang $10 million katumbas 600 milyong piso. Mas mahalaga ba ngayon na ilaan sa WHO ang ganyan kalaking halaga kaysa sa mga ospital at health facilities dito na diretsong pinakikinabangan ng mga Pilipino?”

Giit pa niya, nananatiling mabigat ang suliranin ng bansa sa sistemang pangkalusugan, kabilang na rito ang bilyung-bilyong utang ng PhilHealth sa DOH hospitals, habang umabot na rin sa ₱18.49 trilyon ang kabuuang utang ng bansa.

Dahil dito, binigyang-diin niya ang pangangailangang busisiin kung ang naturang donasyon ay legal, maayos, at napapanahon.

Batay sa mga ulat, ang pledge ay ginawa noong Oktubre 2024 sa sesyon ng WHO Western Pacific Regional Committee at nakatakdang ilaan para sa WHO Investment Round ng mga programa mula 2025 hanggang 2028.

Para kay Marcos, mahalagang ilabas at suriin ang lahat ng dokumento at proseso ng pag-apruba upang matiyak ang transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.

“Dapat malinaw sa publiko kung saan napupunta ang pera ng bayan. Kung may mas dapat paglaanan ng pondo dito sa atin, unahin ‘yon bago ibigay sa iba,” dagdag niya.

Ayon pa sa senador, bagama’t mahalaga ang pakikipagtulungan sa mga pandaigdigang institusyon, dapat tiyakin na ang lahat ng malalaking financial commitments ay dumaraan sa tamang proseso at sapat na pagsusuri bago ito aprubahan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter