NAKIISA ang ina ni Kieth Absalon sa Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally kung saan idinaing niya ang kalupitan ng mga rebeldeng NPA.
May hiling naman ito sa Marcos Jr. administration kaugnay sa umano’y panggigipit sa SMNI at kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
“Ako po ang ina ni Keith Absalon na pinatay ng mga grupong teroristang CPP-NPA-NDF,” ayon kay Vilma Absalon, ina ni Kieth Absalon.
Hinding-hindi kailanman mababaon sa limot ni Ginang Vilma Absalon ang karumal-dumal na pagpatay na ginawa ng grupong teroristang NPA sa kaniyang anak na si Kieth Absalon, na isang FEU football player.
Giit ni Ginang Vilma, napakabuting anak ni Kieth at may maganda at mataas na pangarap sa buhay.
Pero ito ay sinira ng mga mamamatay-taong komunistang teroristang CPP-NPA-NDF.
Matatandaang noong 2021, nagbibisekleta sina Keith at pinsan nitong si Nolven nang masabugan ng landmine na tinanim ng NPA sa Masbate.
“Iyan pong mga organisasyon ay hindi ko makakalimutan, kung bakit? Wala namang kasalanan si Keith na pinatay nila na karumal-dumal na pagpatay. Ginamitan ng mining, landmine, binaril pa sa noo,” dagdag ni Ginang Vilma.
Sa panahong iyon, sinabi ni Ginang Vilma na napakalaking tulong ng SMNI para maihayag kung gaano kawalang hiya ang ginawa ng mga CPP-NPA-NDF na pumatay sa magpinsan.
Sa pamamagitan ng programang Laban Kasama ang Bayan ng SMNI, ayon kay Vilma, nabigyan din ng pagkakataon ang mga biktima ng CPP-NPA-NDF gaya nila na maipahayag ang kanilang masakit na saloobin laban sa nasabing teroristang grupo.
Binigyang-diin ng Ginang na ang SMNI ang kaniyang naging inspirasyon at naging sandalan sa panahon ng sakit na dulot ng pagkapatay sa kaniyang anak.
Kaya naman tanong ni Ginang Vilma sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bakit ginigipit ng mga ito ang SMNI.
Ipinunto rin ng ina ni Kieth ang pagpapa-contempt ng Kamara sa mga anchor ng Laban Kasama ang Bayan.
Umapela rin si Vilma na tigilan na ang panggigipit sa SMNI at kay Pastor Apollo C. Quiboloy, na walang ibang hangad, kundi ang tumulong lamang sa bansa.
Iginiit ni Vilma na napakaganda ng intensiyon ng SMNI, at ito ay para sa ikabubuti ng bayan.
“Sama sama natin na sana po huwag nyo nang i-ano si Pastor Apollo C. Quiboloy dahil wala po akong nakikitang masama, kundi siya po ay lingkod ng bayan. Siya po naalala ko po, na siya po ang unang pumunta sa akin, ang kanyang mga reporter, ginamit ang SMNI, na maipalabas po kung paano po namatay ang aking anak,” ayon pa kay Ginang Vilma.
Nananawagan si Vilma sa administrasyong Marcos na huwag idamay ang magandang layunin ng SMNI.
Kasabay rito, sobrang nagpapasalamat naman ang ginang kay Pastor Apollo sa iniabot na tulong sa kaniyang pamilya.
“At kung paano sila magsuporta, pinansyal, groceries, natanggap ko ‘yan. Wala po akong natanggap sa ibang tao, sa mga pulitiko. Ito po, wala po akong inaano, tinulungan din po nila ako. Pero iba po si Pastor Quiboloy, na hanggang ngayon, inuungkit pa rin nila, dahil ako hindi ko pa rin natatanggap ang hustisya,” aniya.
Patuloy namang hinihiling ni Ginang Vilma na sana ay makamit na ng kanyang pamilya ang hustisya.
Kaya naman, iginiit ni Vilma na kaisa siya sa isinasagawang Laban Kasama ang Bayan prayer rally sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila.
Kaisa aniya siya sa panawagang pagkamit ng hustisya at pagkamit ng tunay na kalayaan mula sa kawalan ng hustisya ng kasalukuyang administrasyon.
“Hinihiling ko po sa rally na ito na ako po ay kasama ninyo upang makamit natin ang kalayaan. Sana po maintindihan tayo ng ating Pangulo, pansinin nyo po ang hinihiling natin na hustisya, kalayaan, katahimikan, ang ating hinihingi,” aniya pa.