PALIIT na nang paliit ang mundong ginagalawan ni Dating Cong. Arnie Teves.
Ito ay dahil bukod sa arrest order dito sa Pilipinas ay nag-isyu na rin ang International Crime Police Organization (INTERPOL) ng red notice laban sa dating kongresista.
Ang red notice ay katulad na umano ng International Warrant of Arrest ayon kay Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla kung saan ang lahat ng miyembrong bansa nito ay padadalhan ng impormasyon na si Teves ay dapat arestuhin dahil sa mga kaso nito sa Pilipinas.
Nagkaroon din umano ng pag-uusap ang DOJ kasama ang NBI para sa paraan ng pagdakip kay Teves sa ibang bansa.
Ayon sa kalihim, sa bahagi ng DOJ ang NBI ang kanilang ipadadala para sa pagsisilbi ng warrant of arrest.
Sigurado rin umano ang kalihim na hindi mabibigyan ng political asylum si Teves base sa naging pag-uusap niya sa mga opisyal ng bansang Timor-Leste kung saan naroon ngayon ang kongresista.
DFA, opisyal nang kinansela ang pasaporte ni Ex-Cong. Teves ayon sa DOJ
Samantala, inanunsiyo naman ng DOJ na opisyal nang kinansela ng DFA ang pasaporte ni Teves.
Ang kampo ni Teves, aapela pa rin umano sa higher court para kontrahin ito.