NAKAHANDA nang tumulong ang mga oil control expert mula sa Japan Coast Guard (JCG) sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang kinauukulang ahensiya sa isinasagawang oil spill response operations sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa isinagawang press conference, inihayag ng Japan Disaster Relief Expert Team na makikipagtulungan ito sa PCG, upang suportahan ang imbestigasyon sa lawak ng pinsala, gayundin ang pagbibigay ng gabay sa patuloy na pag-alis ng langis at control activities.
Sa hanay ng Japan authorities, wala pang katiyakan kung hanggang kailan ang isasagawang operasyon sa karagatan.
Alinsunod din sa kahilingan ng pamahalaan ng Pilipinas, ang mga kagamitan tulad ng oil blotters, oil snares, at oil-proof working gloves ay nakatakdang ihatid sa Pilipinas, kasama ang JDR Expert Team.
Pero bago ihatid ang kagamitan, kailangan munang alamin ang resulta ng kanilang isinagawang survey at pagsusuri sa karagatan.
Ang JDR Expert Team ay binubuo ng 8 miyembro, kabilang na dito ang 2 miyembro mula sa Embahada ng Japan sa Pilipinas; 5 miyembro mula sa Japan Coast Guard, 3 sa kanila ay kabilang sa National Strike Team, isang expert unit sa oil removal; at 1 miyembro mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Samantala umabot na sa baybay-dagat ng Brgy. Casian, Taytay, Palawan ang epekto ng oil spill dahil sa paglubog ng MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Araw ng Biyernes pinuntahan ng mga PCG personnel ang naturang barangay matapos matanggap ang impormasyon.
Humigit-kumulang 159 nautical miles o 295 kilometro ang layo ng Brgy. Casian, Taytay, Palawan sa katubigan ng Naujan, Oriental Mindoro.
Nang makumpirma ito, agad na sinimulan ng PCG ang assessment at paglilinis para maitaguyod ang kaligtasan ng mga residente.
Patuloy pa rin ang ginagawang coastal clean-up ng PCG personnel, auxiliary at iba pang grupo sa karagatan kung san nagkalat ang oil spill.