Kampanya vs “fixer”, pinaigting ng LTO; 2 hinihinalang fixer, arestado sa CamSur

Kampanya vs “fixer”, pinaigting ng LTO; 2 hinihinalang fixer, arestado sa CamSur

PINAIGTING pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya nito upang matuldukan ang modus ng mga fixer sa regional at district offices ng ahensya sa buong bansa.

Ito ay kasunod ng pinakahuling insidente ng pagkaka-aresto sa dalawang hinihinalang fixer sa Pamplona, Camarines Sur.

Ayon sa LTO, huli sa aktong isinasagawa ng mga suspek na edad 74 at 34 ang kanilang ilegal na aktibidad sa opisina ng LTO sa Brgy. Del Rosario, Pamplona.

Nahaharap na ang 2 suspek sa kasong paglabag ng Section 12 ng Republic Act 9485 o “Anti-Red Tape Act of 2007.”

Muli namang umapela si LTO chief assistant Secretary Jose Arturo Tugade sa publiko na huwag tangkilikin ang alok na serbisyo ng mga “fixer.”

Binigyang-diin ng kalihim na ang pagdaan sa “shortcut” at iligal na paraan ng pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho o pagpaparehistro ng sasakyan ay maglalagay sa panganib sa buhay hindi lamang ng mismong drayber kundi maging ng kanyang mga pasahero at ng mga taong nasa lansangan.

Follow SMNI NEWS in Twitter