Kasong isasampa laban kay Julian Ongpin, non-bailable ayon sa DOJ

Kasong isasampa laban kay Julian Ongpin, non-bailable ayon sa DOJ

SASAMPAHAN na ng Department of Justice (DOJ) ng kasong illegal possession of drugs sa La Union regional trial court si Julian Ongpin. Ang itinuturong person of interest sa pagkamatay sa isang contemporary artist na si Bree Jonson.

Pormal nang sasampahan ng kasong illegal possession of drugs si Julian Ongpin, ang anak ng business tycoon na si Roberto “Bobby” Ongpin.

Ang kaso ni Ongpin ay nasa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165) na walang katapat na piyansa.

Sa mga naunang report, nakuha ng mga otoridad ang nasa higit 12 gramo ng cocaine sa hotel room na tinutuluyan nina Ongpin at Bree.

Matatandaang, itinuturong person of interest si Julian Ongpin matapos na matagpuang walang buhay ang kasintahan nitong contemporary artist na si Bree Jonson, sa isang kwarto sa isang resort sa La Union noong Setyembre 18.

Nauna nang sinabi ni Ongpin na suicide o nagpakamatay si Jonson bagay na hindi naniniwala ang pamilya ni Bree na hindi suicide kundi may iba pang dahilan ng pagkamatay ng kanilang kaanak.

Iginiit ni Ongpin na nakuha niya ang mga sugat sa kanyang katawan nang puwersahan niyang buksan ang pinto ng banyo ng kuwarto para sagipin ang kasintahan sa banyo kung saan nakitang wala nang buhay ito.

Samantala, batay sa report ng autopsy sa katawan ni Bree, pareho silang nagpositibo sa paggamit ng cocaine.

Sa ngayon, tanging may kinalaman pa lamang sa droga ang kinasasangkutan ni Ongpin bukod pa ito sa iba pang reklamo at hiling na imbestigasyon ng pamilya ni Bree kaugnay sa totoong dahilan ng pagkamatay ng kanilang kaanak.

SMNI NEWS