Kauna-unahang tourist rest area sa Mindanao, napalakas ang turismo ng Bukidnon

Kauna-unahang tourist rest area sa Mindanao, napalakas ang turismo ng Bukidnon

IBINIDA ng Department of Tourism (DOT) sa mga delegado ng Northern Mindanao Philippine Experience Program ang kauna-unahang tourist rest area (TRA) sa Mindanao at ang pangalawa sa buong Pilipinas na matatagpuan sa Manolo Fortich, Bukidnon.

Ang pasilidad na ito ay flagship project ng DOT sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na layong magbigay ng kaginhawaan sa mga lokal at dayuhang turista tulad ng pagkakaroon ng malinis na comfort room.

“Tourist rest area is indeed very, napakalaking tulong para sa tourist natin especially ang mga tourist dadaan they will have a safe and clean bathroom, CR,” pahayag ni Councilor Rina Quino, Manolo Fortich, Bukidnon.

Ang mga comfort room ng TRA ay may diaper changing at breastfeeding stations.

Pagpasok mo sa nasabing pasilidad, bubungad na ang maraming lamesa at upuan kung saan puwedeng pagpahingahan ng mga biyahero.

Mayroon din itong coffee shop at pasalubong center kung saan maaaring makabili ng iba’t ibang local products ng probinsiya.

May help desk din na handang tumugon sa mga katanungan ng mga turista.

“Sobrang ganda. Sobrang ganda ng ating tourist area dito. Punta na kayo dito sa tourist rest area. May sobrang sarap na coffee at sobrang sarap na mga pasalubong and also our local products are sold here made by our local artisans,” dagdag ni Frasco.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Manolo Fortich, malaking tulong ang TRA sa pagpalakas ng turismo ng Bukidnon lalo’t ang mismong pasilidad ay isa na ring tourist attraction.

“Naging tourist attraction na rin siya actually. Visitors coming from Davao, from Cagayan de Oro, dito na sila nagme-merge to buy pasalubongs and even they will have their photo op outside. Hindi pwede na hindi sila makapagkuha ng picture dito,” wika ni Councilor Rina Quino, Manolo Fortich, Bukidnon.

Tourist rest area sa Bukidnon, nagbigay trabaho sa ilang mga residente

Hindi lang sa turismo may malaking ambag ang tourist rest area dahil ang pasilidad na ito ay nakapagbibigay rin ng trabaho para sa mga residente ng Bukidnon.

Malaki ang pasasalamat ng single parent na si Jonalyn sa pagkakataong mabigyan ng trabaho sa tourist rest area.

Aniya, ang suweldo niya bilang isang empleyado ng TRA ang bumubuhay sa kaniyang pamilya.

“Nakakatulong ako sa aking mga magulang. Mga senior citizen na din sila,” ayon kay Louen Saguilongan, nagtra-trabaho sa isang tourist rest area.

“Nakakatulong sa pambayad ng kanilang kuryente at tubig. Kung mayroon pang sobra sa sweldo ko, ibinibigay ko talaga sa kanila. Especially sa aking mga anak. Lalo na ngayon na dalawa na anak ko na ang isa nasa high school at ang isa ay elementary,” dagdag ni Saguilongan.

Siyam na tourist rest areas na ang naipatayo ng DOT sa iba’t ibang pangunahing tourist destinations sa bansa kung saan ang bagong binuksan ay sa Pagudpud, Ilocos Norte.

Nakatakda na ring buksan ang pangsampung TRA sa Baguio City.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter