PANSAMANTALANG idedeklarang no tourism zone ang sikat na Kaybiang Tunnel sa Cavite simula sa Biyernes, Marso 19.
Sa Facebook post, sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na nakatanggap siya ng report na nagiging sanhi ng traffic at basura ang ilang siklista at motorista na pumupunta sa Kaybiang Tunnel.
Napagdesisyunan ni Remulla ang pansamantalang pagsasara sa turismo ng tanyag na tunnel sa bayang Maragondon dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Kaya simula sa Biyernes, magiging “no tourism zone” na ito kung saan bawal na ang pagparada ng lahat ng uri ng sasakyan, pagkain, pagkuha ng litrato, pagtambay at pagbusina sa Kaybiang Tunnel.
Madaraanan na lang ang tunnel ng mga motorista na papuntang Nasugbu, Batangas.
Upang matiyak naman na walang pasaway na makalulusot ay magtatalaga ng checkpoint ang Philippine National Police sa Tanza, Naic, Maragondon at Ternate.
Naging sikat na destinasyon ang Kaybiyang Tunnel ng mga turistang nakabisikleta, nakamotor, at may dalang sasakyan noong nakaraang taon matapos luwagan ang restriksyon ng community quarantine sa probinsiya.
Bilang resulta, naging dagsaan na ng mga lokal na turista maging ng taga ibang probinsiya ang nasabing tunnel tuwing Sabado at Linggo.
(BASAHIN: Konstruksyon ng P3-B Bataan-Cavite Bridge, pinag-aaralan ng pamahalaan)