Labi ng 2 Pinoy seafarers na nasawi sa pag-atake ng Houthi rebels sa MV True Confidence, dumating na sa bansa

Labi ng 2 Pinoy seafarers na nasawi sa pag-atake ng Houthi rebels sa MV True Confidence, dumating na sa bansa

NAGLULUKSA ngayon ang mga kaanak ng dalawang marinong Pinoy ng bulk carrier M/V True Confidence na nasawi sa missile strike sa Gulf of Aden matapos ang pag-atake ng mga armadong Houthi.

Mula sa Dubai ay dumating ang labi ng mga nasawing OFWs sa NAIA cargo area sa Pasay City ngayong araw.

Matatandaang inatake ng mga armadong Houthi ang bulk carrier MV True Confidence kung saan sakay ang 15 Filipino crew members habang naglalayag ito sa Gulf of Aden noong March 6, 2024.

Sa kasamaang palad, dalawa sa kanila ang nasawi.

Una nang nakauwi sa bansa ang natitirang 13 tripulante at nabigyan ng kinakailangang tulong ng gobyerno.

Nagtulong-tulong ang DFA, DMW, kanilang manning agency at OWWA upang maproseso ang pagpapauwi ng mga labi ng dalawang nasawi.

Hanggang sa pag-uwi sa kani-kanilang mga tahanan, kasama ng mga kaanak ng dalawang tripulante ang OWWA at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na ang buong tulong at suporta ay maibibigay sa kanila.

Ang M/V True Confidence ay kabilang sa mga shipping company na hindi papayagan ng DMW na sampahan o sakyan ng Pinoy seafarers matapos nitong masangkot sa pag-atake ng Houthi rebels.

Kabilang din ang shipping companies na nagmamay-ari sa Galaxy Leader, at MV Tutor dahil patuloy pa rin ang pagdaan ng mga ito sa Red Sea at Gulf of Aden kahit alam nilang mapanganib ang bahaging ito ng karagatan.

‘’Kaya ang sinasabi natin, iyong mga ships na, na inatake na, meaning, nakita na ng Houthi rebels, inatake na at iyong shipowners na iyon ay sabihin na nating kilala na ng Houthi rebels, iyon ay hindi na dapat mag-board ng Filipino seafarers, because the likelihood that another attack might happened is strong or high. So, hindi na natin sila pinapa-board noong mga ships na naatake na previously,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble