INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki matapos gamitin ang pangalan ni Senator Christopher “Bong” Go para makapangikil.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge Director Eric B. Distor, kinalala ang suspek na si John Carlos Pedragosa Garcia.
Nangyari ang pag-aresto sa suspek matapos mag-apela ng reklamo ang isang nabiktima nito.
Ayon sa reklamo ng biktima, nagpakilala si Garcia na konektado kay Senator Go at aniya ay marami itong nalokong mga negosyante at pribadong indibidwal mula sa Albay, Laguna, Quezon at Rizal sa pangingikil ng pera na umabot sa P6 milyon.
Sinabi ng biktima na P50,000 ang naloko ni Garcia sa kanya at binanggit din ang iba pang indibiduwal na nabiktima ng suspek.
Ikinuwento rin ng isa pang biktima na taga-Laguna sa kanyang affidavit na may inalok ang kanyang kaibigan na isang proyekto para sa isang pasilidad na gagamitin sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Corporation.
Tinanggap ng biktima ang alok at ipinakilala sa kanya si Garcia.
Sinabi ni Garcia sa biktima na humiling ang sekretarya ni Senator Go na si Geraldyne Riano ng isang milyon bilang advance payment para sa proyekto sa Albay at Mulanay, Quezon.
Nangako ang suspek sa biktima na ipakilala siya kay Senator Go ngunit hindi ito nangyari.
Dahil dito, pumunta ang biktima sa opisina ni Senator Go at doon nalaman na si Garcia at Riano ay walang kaugnayan sa senador.
Nabatid din na si Garcia ay may Warrant of Arrest na inisyu ng RTC Mandaluyong City dahil sa dalawang Estafa.
Nagawa namang matunton ng NBI ang suspek sa isang resort sa Bolinao, Pangasinan gamit ang sasakyan na binili niya sa isa sa kanyang mga biktima at kaagad ito ay inaresto.
(BASAHIN: Duterte, ipinag-utos na tanging NBI na ang mag-iimbestiga sa PNP-PDEA shooting incident)