ININSPEKSIYON ng Department of Transportation (DOTr) ang Dr. Santos Station ng LRT-1 Cavite Extension Phase 1 project.
Nasa 98.2% na ang kabuuang progress rate ng nasabing proyekto.
Binubuo ito ng limang istayon kung saan ang ilan sa mga ito ay halos 100% nang tapos at dalawa sa mga istasyon na ito ay konektado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Inaasahan ang partial operation nito sa huling quarter ng 2024.
Tinatayang aabot sa 50,000 pasahero ang ma-accommodate sa oras na magbukas ang pasilidad sa publiko.
Kaya sabi ng mga opisyal, malaki ang tulong ng proyekto para pagaanin ang mabigat na daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.
“With the 50,000 passengers passing through this, mababawasan ‘yung sasakay sa private cars and other public utility vehicles. So that will contribute in solving some traffic problems,” saad ni Sec. Jaime Bautista, Department of Transportation.
“We’re hoping to double that in terms of forecast, I think it’s going to double to 80,000 to 100,000. So definitely that would somehow impact directly and indirectly traffic,” ayon kay Enrico Benipayo, General Manager, Light Rail Manila Corporation.
Dr. Santos Station ng LRT-1 Cavite Extension Phase 1, may terminal ng bus, jeep, taxi at UV Express
Ang Dr. Santos Station ng LRT-1 Cavite Extension Phase 1 ay isang inter-modal facility. Ibig sabihin, pagbaba mo sa istasyong ito ay may terminal na ng bus, jeep, taxi, at UV express.
“This would be a duplicate with the PITX. Ganoon ang mangyayari. Well-coordinated with the city,” pahayag ni Congressman Edwin Olivarez, Parañaque City.
“We will put up an intermodal here. Kukumpletuhin po natin para in and out from this station will be easier,” dagdag ni Olivarez.
Pamasahe sa LRT-1 Cavite Extension, mas mura kumpara sa jeep at bus—DOTr
Pero ang tanong naman ng karamihan, magkano naman kaya ang pamasahe rito?
“Currently, we will be applying the same fare which is P13.29 boarding fare. And for distance fare kumbaga bawat kilometro malalakbay, it’s P1.21 additional,” wika ni Asec. Jorjette Aquino, Department of Transportation.
Halimbawa kung manggagaling ka ng Baclaran at bababa ka ng Dr. Santos Station, nasa P25 ang pamasahe at kung magmumula ka naman sa FPJ Station at tutungo sa Dr. Santos, nasa P45 ang pamasahe.
“This is even cheaper than the existing fare for buses and jeepneys,” ani Sec. Jaime Bautista, Department of Transportation.
Nagsimula ang konstruksiyon ng LRT-1 Cavite Extension Phase 1 noong Setyembre 2019 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Roa Rodrigo Duterte.
Sabi naman ng Light Rail Manila Corporation na inumpisahan na ang preliminary works para sa Phase 2 at Phase 3 bilang preparasyon sa konstruksiyon nito.
Inaasahang matatapos ito sa taong 2031 kung saan mula sa isang oras at 10 minutong biyahe mula Baclaran at Bacoor ay bababa na ang travel time sa 25 minuto.