Pang. Duterte, hinikayat ang COMELEC na payagan ang limitadong ‘in-person campaigning’ para sa 2022 elections

Pang. Duterte, hinikayat ang COMELEC na payagan ang limitadong ‘in-person campaigning’ para sa 2022 elections

HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission On Elections (COMELEC) na bumuo ng plano na magpapahintulot sa mga kandidato sa 2022 local at national elections na magsagawa ng limitadong in-person campaigns.

Lilimitahan na lamang, ani Duterte, ang bilang ng mga tao na papayagang makilahok sa pangangampanya.

“Yan ang problema ng COMELEC kung papayagan nila tayong mag-assemble because you cannot campaign by just shouting at one corner,” saad ng punong ehekutibo.

“You have to have a place where maybe they would limit the attendants or the number of people there but problema na ng COMELEC ‘yan,” dagdag nito.

Isa sa kadahilanan na kailangang isulong ang limitadong in-person campaigning, ayon kay Duterte, ay dahil hindi lahat ng mga kandidato may kayang magbayad para sa political advertisements partikular na sa telebisyon.

“I’d like to remind the COMELEC that you must give the candidates, really, the space and whatever modality there. Because there can never be an election without a campaign and other people cannot also afford – some candidates cannot afford the expense of [television] exposures,” iginiit ng pangulo.

Ang opisyal na campaign season para sa darating eleksyon ay magsisimula sa Pebrero ng susunod na taon.

Una nang inihayag ng COMELEC na magkakaroon ng pagbabago sa paraan ng pangangampanya sa darating na eleksyon sa gitna ng patuloy na nararanasang COVID-19 pandemic.

Nagpaalala na rin ang komisyon sa mga aspirant na istriktong sundin ang health at safety protocols kapag nagsasagawa ng political gatherings.

Base sa ulat, bukas ang COMELEC na payagan ang 10% event capacity limit para sa physical campaign rallies sa susunod na taon.

Batay din sa draft rules ng nito, hindi maaaring dumalo sa face-to-face events ang mga menor de edad at 65 taong gulang pataas.

Gayunpaman, pag-aaralan din umano ng COMELEC ang posibilidad na taasan ang kapasidad o bilang ng mga tao na papayagan sa panahon ng face-to-face campaign events.

SMNI NEWS