AABOT sa 1,282 na indibidwal o 317 families ang nanatili sa mga evacuation center ngayong araw matapos nagkaroon ng Phretomagmatic Eruption kahapon ang Bulkang Taal.
Ito ay ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson Mark Timbal.
Kaugnay nito, sinabi rin ng NDRRMC na pwede pa ring lumobo hanggang mahigit sa 14,000 indibidwal o 3,000 pamilya ang maaaring ilikas dahil sa patuloy na volcanic activity.
Bukod pa rito, mayroong 110 katao o 28 pamilya ang nananatili sa labas ng evacuation center kung kaya’t umabot sa 1,392 individuals o 345 families ang apektado ng nasabing pagputok.
Samantala, nasa 13 mga barangay sa Batangas ang apektado, ito ay ang Poblacion, Sinturisan sa San Nicolas; Gulod, Buso Buso, Bugaan West, at Bugaan East sa Laurel; Subic Ilaya, Banyaga at Bilibinwang sa Agoncillo; Apacay sa Taal; Luyos Aat Boot sa Tanauan City; at San Sebastian sa Balete.
Samantala, 11 evacuation centers mula sa anim na bayan ang inilaan para sa mga residente na posibleng maapektuhan sakaling sasabog muli ang Bulkang Taal.
Ayon kay Office of Civil Defense o OCD Operations Service Director Bernardo Alejandro, maliban sa inilaang evacuation centers, nakahanda na rin ang national government na magbigay ng PPEs bilang proteksyon ng evacuees laban sa COVID-19.
Nilinaw naman ni Alejandro ng OCD na babawasan nila ang crowd capacity ng evacuation centers para matamo parin ang physical distancing.
Sakali rin aniyang itataas sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal, posibleng dadagdagan pa ang mga bayan na aabisuhang mag-evacuate.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 345 na pamilya ang nasa evacuation centers at patuloy pa ang pagpapalikas.