Mahigit 20 tricycle, hinuli at tiniketan ng LTO dahil sa pagpasada nang walang plaka

Mahigit 20 tricycle, hinuli at tiniketan ng LTO dahil sa pagpasada nang walang plaka

EMOSYONAL na lamang na napaupo sa kanyang tricycle si Johgar matapos mahuli at matiketan ng LTO dahil sa pamamasada nang hindi rehistrado.

Isa siya sa mahigit 20 tricycle drayber na nahuli sa ilalim ng “No plate, No travel” policy sa Batasan TODA sa Quezon City, Martes ng umaga.

P10,000 ang pinakamataas na multa na kailangang bayaran ng mga nahuling tricycle driver. Iba pa ang multa naman na ipinatawa ng Quezon City government para sa mga tricycle driver na walang prangkisa.

‘’Malaki po ang violation na ibinigay sa mga driver saan ko po kikitain ‘yung sampung libo na ‘yun. Kapag ito ay na-impound wala rin po ako dahil tatanggalin ako ng operator ko,’’ ayon kay Johgar Tricycle driver.

Bukod sa 10,000 pisong multa ay pagbabayarin din ang mga TODA na hindi naglalagay ng plaka, kolorum at walang prangkisa.

Multa sa mga nahuling tricycle:

Failure to attach plate – P5,000

Colorum – P6,000

Unregistred tricycle – P10,000

No franchise- 1,500 (LGU)

Para sa ilang nahuling tricycle drayber, hindi makatwiran ang ginawa ng LTO sa katulad nilang naghihirap sa buhay.

P600 lang kasi ang karaniwang naiuuwing kita sa buong araw na pamamasada na babawasan pa ng ibang gastusin.

‘’Napakalaking puwerwisyo dahil below minimum lang ang kinikita namin kaya nga almost 16 hours to 18 hours kayod namin para matustusan lang ‘yung pangangailangan ng pamilya dahil 8 hours lang kayod wala pa sa minimum ang kikitain naming,’’ saad ni Edson Hugo Tricycle driver.

‘’Kaya nga dapat pakiusap natin na dapat magrehistro at ayusin ‘yung papel para hindi masayang ‘yung multa,’’ ani Dir. Francis Ray Almora Law Enforcement Service, LTO.

Dahil sa maraming tricycle drayber na nahuli sa operasyon ay nangangamba tuloy ang BATODA na kakapusin sila sa pumapasadang tricycle.

‘’Medyo nabigla kami kasi talagang maraming nahuli sa amin,’’ ani Roberto Mirafuentes President, BATODA

‘’Kami po na mga tricycle driver lahat po ay kung kakapusin po talaga ‘yung coding mamaya pa ba-biyahiin ko na,’’ dagdag nito.

Gayunpaman, nakaalalay daw ang Quezon City government sa mga nahuling tricycle drayber para kahit papaano ay may mapagkaka-kitaan sila.

‘’Sa mga colorum may mga programa tayo na alternative livelihood na ini-offer natin sa mga TODA. Isa na diyan ‘yung tulong natin sa mga pamilya nila financially. Pangalawa, ‘yung livelihood at pangatlo scholarship sa mga anak nila,’’ ayon kay Benjamin Ibon III Chief, Tricycle Regulatory Division, QC LGU.

Pero, kung ang ilan ay pinaghuhuli ng ahensya, ang karamihan naman sa mga drayber ay nakatanggap na ng kanilang mga plaka.

Simula 2016 ay nagkaroon ng backlog sa plaka ng mga motorsiklo na bagay na unti-unti na raw tinutugunan ng LTO.

As of June 30, 2024, umaabot pa sa higit 10 milyon ang backlog sa plaka ng mga motorsiklo.

Sa datos ng QC LGU, aabot sa mahigit 24,000 ang bilang ng mga rehistrado at lehitimong tricycle.

Mula sa naturang bilang, halos 3,000 pang tricycle sa naturang lungsod ang walang plaka.

‘’May backlog pa rin tayo sa mga private sa mga iba pero ‘yung listahan na ibinigay ng Quezon City ay nagawa na ‘yun ng LTO,’’ ani Dir. Francis Ray Almora.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble