UMABOT na sa 9,043 na mga personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nabakunahan na kontra coronavirus disease o COVID-19.
Ito ang Inihayag ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana kung saan gamit aniya sa pagbabakuna ang Sinovac-made vaccines na Coronavac sa military units.
Dagdag pa ni Lorenzana, tuluy-tuloy ang rollout ng bakuna kontra coronavirus sa hanay ng kasundaluhan kung saan mayroon pang 25,000 na nakatakda pang magpabakuna.
Mababatid na 70,000 dosis ang naibigay na bakuna sa Armed Forces of the Philippines mula sa 100,000 dosis na Sinovac vaccines na inilaan para sa kasundaluhan na donasyon mula China.
Nasa 30,000 naman ang iniwan sa DND para sa frontliners ng Veterans Memorial Medical Center o VMMC, V. Luna at sa tauhan ng Office of the Civil Defense (OCD) at iba pa.
Inihayag pa ni Lorenzana na nais ni Health Secretary Francisco Duque III na maubos na sa linggong ito ang Sinovac na naunang ibinigay ng China.
“Pero hindi ko alam kung matutupad ang kanyang plano na maubos na ‘yan dahil nandiyan na rin ang AstraZeneca at gusto nila i-rollout ‘yun na sabay-sabay,” pahayag ni Lorenzana.
Ani Lorenzana, noong una mayroon pang ayaw magpabakuna pero karamihan naman doon sa umayaw ay pumayag na dahil sa pagsipa ng bilang ng impeksyon.
“Kumakaunti na lang ang mga may ayaw. Sa tingin ko, mga ilang araw pa na malakas ang impeksyon ay wala na sigurong tututol diyan sa Sinovac,” dagdag ni Lorenzana.
Kaugnay naman sa unauthorized vaccination sa mga myembro ng Presidential Security Group (PSG), ipinauubaya na ni Lorenzana ang pagsagot dito sa PSG commander dahil nauna na aniyang nagsabi ito na sila’y makikipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA) o sa Department of Health (DOH).
“Siguro tanungin natin ang PSG Commander dahil siya naman ang nagsabi na makikipag-ugnayan siya sa FDA o sa DOH. Kasi ang PSG although part siya ng AFP ay parang independent ‘yan na naka-attach sa Office of the President,” aniya pa.
Una rito, wala umanong nakukuhang impormasyon ang FDA tungkol sa kaso dahil hindi raw nakikipag-cooperate ang PSG sa imbestigasyon hinggil sa paggamit ng hindi otorisadong bakuna.
Matatandaang sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit ang pag-iimbestiga sa isinagawang sikretong pagbabakuna sa ilang miyembro ng PSG gamit ang hindi otorisado at smuggled na COVID-19 vaccine.
(BASAHIN: Warrant of arrest laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 4 na sundalo, ikinagalak ng AFP)