BIGAS, imbes na pera! Ito ang isa sa iminungkahi na ibigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Iprinesenta ang panukalang ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na sectoral meeting sa Palasyo ng Malacañang.
Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Roger Navarro na makatutulong na maibaba ang inflation rate sa bigas kung ito na lang ang ibibigay sa 4Ps beneficiaries sa halip na pera.
Paliwanag ni Navarro, maaaring maiwasan din ng mga benepisyaryo ang epekto ng mataas na presyo ng bigas sa merkado kapag naimplementa ito.
“And we’re giving them money, and unfortunately because that is not rice, they’re going to buy rice in the market price; and that put pressure and inflationary in the market because they’re going to compete with the people who have money and then with only 4Ps. If we can convert the 4Ps by way of supplying them rice instead of money through NFA, then probably the inflation for rice will go down,” saad ni Usec. Roger Navarro, DA.
Kaugnay rito, inilahad ni Navarro na ikinokonsidera ni Pangulong Marcos ang mungkahi ito.
Pag-aaralan din aniya ng Malacañang kung paano ipatutupad ang naturang panukala.
“The President is saying that we will consider the proposal and they will take a look on how to implement this proposal,” dagdag ni Navarro.
Ang 4Ps ay isang Conditional Cash Transfer program na nagbibigay ng buwanang ayudang pinansiyal sa mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.
Ang DSWD ang ahensiya ng gobyerno na nangangasiwa sa programang ito.