Mayor Isko, planong magtayo ng Korea Town sa Malate

PLANO ni Manila City Mayor Franciso ‘Isko’ Moreno Domagoso na magtayo ng Korea Town sa Malate.

Sinabi ni Mayor Isko, layunin nitong palakasin ang relasyon ng Maynila sa South Korea sa pamamagitan ng pagtayo ng Korea Town sa Malate.

Tinalakay ang nasabing usapin sa pagbigay ng courtesy call ni South Korean Ambassador Kim In-chul kay Mayor Isko Moreno.

Ang South Korean Ambassador ang pang-32 foreign envoy na nagbigay ng courtesy call kay Mayor Isko simula noong Hulyo 2019.

“We are building Korea Town in the Malate area to showcase Korean culture right in the nation’s capital. We also told His Excellency about how we benchmarked Myeong-dong’s markets in Binondo, Manila,” pahayag ni Mayor Isko.

Nagpahayag din si Mayor Isko ng kanyang pasasalamat dahil sa walang sawang suporta na ipinakita ng South Korea sa lungsod ng Maynila.

Inaasahan naman ni Mayor Isko ang patuloy at matibay na magandang relasyon ng lungsod sa South Korea.

“If the City could extend any help to your country, we would be honored to do so,” ayon pa ni Moreno.

Kabilang sa mga ambassador na nagbigay ng courtesy call kay Mayor Isko Moreno ang Ambassador of the Republic of Panama to the Philippines Rolando Guevara, Czech Republic Ambassador to the Philippines Jana Sediva, Panamanian Ambassador, Israeli Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz, Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev, Malaysian Ambassador to the Philippines Norman Muhamad at marami pang iba.

SMNI NEWS