PINAGRE-resign ngayon ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga active na sundalo na nais ipahayag ang kanilang mga politikal na opinyon, dahil ‘di aniya sila manghihimasok sa politika.
Nabulabog ang Pilipinas simula nang magsalita si Vice President Sara Duterte laban sa administrasyong Marcos.
Matapos magbitaw ng mga maaanghang na salita ang pangalawang pangulo ay umani ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens.
Marami sa ating mga kababayan ang hindi napigilan ang galit sa administrasyong Marcos at nagsagawa ng mga rally upang ipahayag ang kanilang suporta para kay Vice President Sara Duterte.
Sa sobrang ingay ng politika ngayon sa Pilipinas, hindi mapigilan ng bawat Pilipino na magkaroon ng kaniya-kaniyang opinyon.
Dahil dito, pinagre-resign ngayon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga aktibong military personnel na nais ipahayag ang kanilang mga opinyon kaugnay sa politika.
Ito ang sinabi ni Brawner sa katatapos lang na AFP Leadership Summit 2024 na ginanap sa Camp Aguinaldo, na dinaluhan ng senior leaders, commanders, at key personnel mula sa buong AFP.
Paliwanag ng heneral, nirerespeto nila ang opinyon ng bawat isa ngunit habang suot-suot ng mga sundalo ang kanilang mga uniporme ay kailangan umano nilang sumunod sa Saligang Batas at protektahan ang bansa.
“Now, when it comes to our political inclinations, we recognize that all of us have our own political opinions, political inclinations. We respect that ano, we respect that, pero habang suot-suot po natin ‘yung ating uniforme, ay kailangan sundin natin ‘yung Saligang Batas at protektahan natin ang ating bansa,” pahayag ni Gen. Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, AFP.
Aniya, kung nais ng mga sundalo na ipahayag ang kanilang mga opinyon patungkol sa politika ay marapat na mag-resign muna, tanggalin ang uniporme at malaya na itong gawin ang nais nila.
“So we cannot just air our grievances just freely being members of the Armed Forces of the Philippines. Kung gusto po natin gawin ‘yun mag-resign na lang tayo di ba. Hubarin natin ‘yung uniforme natin and then that’s the time you’re free to do whatever you want to do,” ayon pa kay Brawner.
AFP, hindi manghihimasok sa politika—Gen. Brawner
Kaugnay naman sa sinabi ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, binigyang-diin din ni Brawner na hindi nila trabaho ang makialam sa politika.
“But hindi po natin trabaho ‘yun. That is not our job. So, ang trabaho natin is to protect the Republic of the Philippines, protect its people, defend our territory, and defend our sovereignty and our sovereign rights,” ani Brawner.
Gen. Brawner, itinanggi na siya ang mamumuno sa VPSPG
Samantala, nilinaw naman ng opisyal ng AFP na hindi siya ang magte-take over o mamumuno sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ng ikalawang pangulo.
“Hindi po hindi po, hindi po totoo ‘yun na I will take over the VPSPG, it is still under the Presidential Security Command,” aniya.
Pero, papalitan umano ng bagong set ng personnel mula sa AFP at PNP ang kasalukuyang security escorts ni VP Sara ngunit hindi pa sinabi ni Brawner kung ilan ang kanilang papalitan.
Ang nasabing hakbang ay upang magbigay daan sa gagawing imbestigasyon ng House Committee on Good Governance and Public Accountability kaugnay sa paggamit ng Confidential Funds.
“Kaya’t ang gagawin po natin is that we are just going to temporarily replace them with a contingent from the Philippine National Police and from the Armed Forces of the Philippines,” aniya.
VP Sara, hindi tatanggapin ang dagdag na security escorts
Ngunit nauna nang sinabi ni VP Sara na hindi niya tatanggapin ang dagdag na security escorts dahil wala na siyang tiwala rito.
“Hindi ko rin tatanggapin at this point kung magdadagdag sila ng mga tao dito kasi hindi na natin alam kung non-partisan ba yong idadagdag nila”
“I don’t trust anyone right now even if PSC acts on what I said no I will not accept it anymore that is what I did in PNP hindi na,” pahayag ni Sara Z. Duterte, Vice President of the Philippines.
Paliwanag ng bise, kung bakit ayaw niya tanggapin ang dagdag na security ito’y dahil baka maging daan pa upang magdagdag ng tao na magtatrabaho para sa mga kalaban niya.
“Kasi hindi natin alam eh, baka gagawin pa nila ‘yang rason na maglagay nang maglagay ng mga tao diyan na nagtatrabaho sa kanila,” giit ni VP Duterte.