‘POLITICAL will’ ang kailangan upang mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa tungkuling ginagampanan ng mga barangay captain sa pagpatutupad ng minimum health standards.
Ginawang itong pahayag ng Pangulo matapos ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Aniya, mahalaga ang ginagampanan ng mga barangay captain sa pagpigil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
“Ang gobyerno natin ganito, ako ang pinakaulo, ang pinakabuntot ko yung mga barangay captain. Ang barangay ang pinakaimportante sa lahat at kung talagang ginusto, kung ginusto ng lahat ng mga barangay captains magtrabaho, really work it, baka talagang ma-decrease the number of transmission,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Pinaalalahanan din ng Pangulo ang publiko na sumunod sa minimum health standards kagaya ng pagsuot ng facemasks at face shields, palaging maghugas ng kamay, at physical distancing.
“You have only one life to live so please guard yourself,” ani Duterte.
Malaking tulong aniya ang pagsunod sa health protocols sa bansa.
“Sana kung makatulong lang kayo sa bayan, sumunod lang kayo at medyo mapababa natin ang kaso ng COVID,” aniya pa.
Tiniyak naman ng Pangulo na nakabantay ang gobyerno sa bagong COVID-19 strain sa bansa.
“We’re trying to find out a way of effectively, combating these new developments sa mga variant sa COVID-19, “ ayon sa Pangulo.