Mga dayuhang turista, manghang-mangha sa mainit na pagsalubong ng Pilipinas

Mga dayuhang turista, manghang-mangha sa mainit na pagsalubong ng Pilipinas

MAINIT ang pagsalubong sa higit 300 turista mula sa Estados Unidos at Europa lulan ng Silver Spirit Cruise Ship na dumaong sa Eva Macapagal Super Terminal sa Maynila nitong Miyerkules ng umaga.

Sinalubong ang mga dayuhang bisita ng sayaw at musika tampok ang ilang malalaki at makukulay na Piesta ng Pilipinas, ang Ati-Atihan at Higantes.

Una nang dumaong ang nasabing luxury cruise ship sa Cabugao, Ilocos Sur kung saan ilan sa mga turista ay nag-enjoy sa 6-hour walking tour sa Vigan City at San Vicente.

Dito naman sa Maynila, kabilang sa pinasyalan nila ay ang Intramuros at ang National Museum.

Hindi rin palalagpasin ng mga turista ang pagkakataon na mabisita ang magagandang tanawin sa Coron, Palawan at Romblon sa mga susunod na araw.

Pagdagsa ng mga turista lulan ng mga luxury cruise ship, mas dadami pa – DOT

Ayon sa DOT, unti-unti nang sumisigla ang cruise tourism sa Pilipinas matapos ang halos 3 taong paghihigpit dulot ng COVID-19 pandemic.

Paglalahad ni Tourism Sec. Christina Garcia-Frasco inaasahan nila ang pagdating ng mas maraming turista lulan ng ilang luxury cruise ships ngayong taon na mas madami pa kumpara noong 2019.

Kabilang sa 46 na tourist destination sa bansa na pupuntahan ng mga cruise ship ay ang Batanes, Kalanggaman Island sa Palompon, Cagayan de Oro, Apo Reef sa Mindoro, Balabac Island sa Palawan, Limasawa Island, Marinduque at marami pang iba.

Matatandaan na 2 luxury cruise ship na rin ang dumating sa bansa nitong mga nakaraang araw.

Dumating sa bansa ang Seaborn Encore na unang dumaong sa Puerto Princesa noong February 9 lulan ang nasa higit 500 turista mula sa Estados Unidos at Europa.

Sinundan ito ng Silver Shadow na unang dumaong sa Kalanggaman Island noong February 10 lulan naman ang nasa 228 turista.

Dahil dito, inaasahan ani Frasco na kikita ng malaki ang bansa sa muling pagsisimula ng cruise tourism.

Follow SMNI NEWS in Instagram