Mga gamit na PPE’s, nakakaapekto na sa kapaligiran — DENR Bicol

Mga gamit na PPE’s, nakakaapekto na sa kapaligiran — DENR Bicol

LABIS na pinangangambahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol ang masamang epekto sa kapaligiran ng pagtatapon ng mga gamit na Personal Protective Equipments (PPE’s).

Nanawagan ngayon sa publiko ang DENR Bicol dahil sa tumataas na volume ng mga basura araw-araw kabilang na ang mga nagamit na facemask na nakasasama sa kapaligiran.

Sa pahayag ni DENR-Bicol Communication Officer II Joan Mariscotes, ang ganitong uri ng mga basura ay kailangang ma-segregate nang maayos dahil sa posibilidad na kontaminado ang mga ito ng virus.

Partikular na tinutukoy rito ay ang mga nagamit ng facemasks at face shields o ang mga tinatawag na household healthcare waste.

Ayon pa sa opisyal, hindi lamang kalusugan ng mga residente ang kinokonsidera ng ahensya kundi maging ang mga kolektor ng basura na mas dobleng nakalantad sa peligro na dala ng mga mismanaged na mga basura. Dahil ang mga ito ay maikokonsidera ring mga frontliners na walang takot na lumalabas ng kalsada upang maglinis.

Matatandaang sa isang press statement, binigyang diin ng DENR Chief ang kahalagahan ng responsableng pagtatapon ng mga COVID-19 litter lalo na ang mga gamit ng disposable facemasks dahil sa masamang epekto nito lalo na sa mga terrestrial at aquatic animals.

Kaugnay nito, muling pinapaalalahanan ng ahensya na mahalaga ang partisipasyon ng bawat miyembro ng pamilya sa tamang pagtatapon ng mga gamit na PPE’s sa ibang solid wastes kasabay ng apila sa mga lokal na gobyerno na maglaan ng sariling disposal areas para sa mga household healthcare waste sa kani-kanilang lugar.

Pakiusap ng DENR sa publiko ang kooperasyon upang mapigilan ang masamang maidudulot nito sa kapaligiran dala ng kasalukuyang pandemya.

(BASAHIN: BFAR-Bicol inflation rate tumaas; rehabilitasyon ng mga typhoon affected areas, tinututukan)

SMNI NEWS