IGINIIT ng Malakanyang na hindi nito kinokontra ang mga puna ng ilang indibidwal hinggil sa mga hakbang na ginagawa ng gobyerno na may kinalaman sa COVID-19 response.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa katunayan welcome sa pamahalaan ang constructive criticisms lalo’t kapag makikitang may maidudulot itong kabutihan sa lagay ng bansa.
Kaugnay nito, iginiit ni Roque na pawang katotohanan lamang ang nilalabas ng pamahalaan ukol sa pandemic response na aniya’y nakabase sa siyensya at datos.
“At nandiyan po talaga ang datos, we are science-driven, we are data-driven,” pahayag ni Roque.
“Kaya nga po maraming mga grupo na nagbibigay suhestiyon, ang sinasabi ko, we welcome all suggestions, pero intindihin naman ninyo walang makakapantay pagdating sa human capital ng IATF,” dagdag aniya.
Sa kabilang banda, sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na batid din naman nito na tuwing papalapit na ang eleksyon, ay talagang sinisimulan nang mag-ingay ng ilang pulitiko at gumawa ng mga isyu.
“At naintindihan naman namin sa panahon ng eleksiyon, talagang mag-iingay ang maraming pulitiko. It comes with the turf kumbaga ‘no,” ayon ka Roque.
“We know that because human experience. Kapag panahon na talaga ng eleksiyon, lahat ginagawan ng isyu, hindi natin made-deny iyan,” aniya pa.
Apela na buwagin ang IATF, tinanggihan
Samantala, ibinasura ng Malakanyang ang panawagan na buwagin na ang Inter Agency Task Force o IATF.
“Wala pong mabubuwag because kapag binuwag mo ang IATF, it is as if you are, bubuwagin mo iyong buong gobyerno kasi wala naman pong ibang buhay ang IATF kung hindi iyong gobyerno mismo,” ani Roque.
Una rito, inihayag ng isang senador na kailangan nang buwagin ang IATF dahil sa mga umano’y kapalpakan at pabago- bagong patakaran nito.
Tugon naman ni Roque rito, hindi maituturing na constructive suggestion ang pagbuwag sa IATF.
Punto ng kalihim, ang IATF ay pinagsama-samang galing at talino ng buong gobyerno o mga hepe ng mga ahensiya ng pamahalaan sa bansa para sa pagtugon sa pandemya.
Sa katunayan ani Roque, ang ranking ng Pilipinas sa buong mundo ay nagpapakita na taliwas ito sa mga sinasabi ng iilan na palpak ang IATF.
(BASAHIN: Muling pagdami ng kaso ng COVID-19, hindi kasalanan ng IATF —Palasyo)
Inihayag ng Malakanyang na lahat ng naging desisyon ng IATF kabilang na ang karagdagang restriksyon na ipinatutupad simula Marso 22 hanggang Abril 4 sa Metro Manila at sa apat na karatig-lalawigan nito tulad ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna ay nakabase sa scientific data.