NILINAW ng Komisyon sa Wikang Filipino na hahayaan na lamang nila na ipagpapatuloy ng mga mag-aaral ang paggamit ng mga libro at module na may salitang Filipinas sa halip na Pilipinas.
Hinihiling ng komisyon sa Wikang Filipino sa mga guro na gabayan ang kanilang mga mag- aaral na gumamit ng tamang baybayin ng bayan ng Pilipinas.
Inihayag ni Dr. Arthur Casanova ang tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino na dapat ipaunawa ng Kagawaran ng Edukasyon sa mga mag-aaral ang pamantayan ng pagbaybay ng bansa natin.
Paglilinaw ni Casanova na ang tamang pagbaybay sa bansa na Pilipinas ay “P” at hindi F na Filipinas.
Giit ng opisyal ito ay nakasaad sa Saligang Batas noong 1987.
Gayunpaman aniya kahit kumakalat na ito sa mga aklat at module na may baybay na F ang Filipinas na ginagamit ng mga estudyante ay hahayaan pa rin nila itong magpapatuloy.
Dahil kadalasan naman nangyayari pagkaraan ng ilang taon ang mga batayan ng Sangguniang Aklat ay binabago dahil umaayon ito sa takbo ng panahon.
Matatandaan sa panahon ni National Artist for Literature Virgilio Almario bilang pinuno ng KWF noong 2013.
Nagpalabas ng desisyon ng KWF na “Filipinas” na baybay ang gamitin sa mga opisyal na komunikasyon.
Itinalaga noong Enero 2020 si Casanova na kapalit ni Almario bilang pinuno ng KWF.
Samantala, ipinaliwanag din ni Casanova na ang ating wikang pambansa ay Filipino kung saan ito ay nakasaad sa Saligang Batas noong 1987 pa rin.
Ang pahayag ni Dr. Casanova ay kasabay ng pagbibigay-parangal sa Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2022, mga institusyon na nagpakita ng kahusayan sa maraming taon.
Kabilang sa mga pinarangalan ang pamahalaang lungsod ng Pasay at Maynila pati na rin ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG).
Nasa halos 30 mga kinatawan mula sa LGUs at kagawaran ang pinagkalooban ng naturang award.