Mga nagbabalik-loob sa Gitnang Luzon, dadami pa; Pondo ng NTF-ELCAC, kampanteng madagdagan pa sa tulong ng bagong NSA–ARD NICA III

Mga nagbabalik-loob sa Gitnang Luzon, dadami pa; Pondo ng NTF-ELCAC, kampanteng madagdagan pa sa tulong ng bagong NSA–ARD NICA III

INAASAHAN na patuloy at mas marami pa ang magbabalik-loob na dating rebelde ngayon dahil na rin sa puspusang pagsusumikap ng whole of the nation approach ng pamahalaan bagamat binawasan na naman ang pondo nito mula sa unang 10B na ngayon ay nasa P6.3B pesos na lang.

Bagama’t bumaba ang pondo ng NTF-ELCAC para sa taong ito ay malaki naman ang pagtitiwala ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) III na kayang gawan ng paraan ng bagong talagang National Security Adviser (NSA) ang pangangailangan ng NTF-ELCAC para ipa-implementa ang mga programa nito.

 “Napaka importante na maibigay lahat yung kabuuan na budget proposal na P10-B dahil may mga programa na yan na inilatag. With Secretary Año as the vice chairperson ng NTF-ELCAC, sa tingin ko gagawin niya lahat para mapunan pa yung kakulangan sa budget na ibibigay sa taon na ito,” ayon kay Niño Balagtas, NICA III acting Regional Director.

Sa naging panayam ng SMNI News NCL kay NICA III acting regional Director Niño Balagtas, patuloy pa rin ang mga programa kahit na bumaba ang pondo ng NTF-ELCAC dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga nagbabalik-loob na dating mga rebelde.

Ani Balagtas, kahit na bagong talaga pa lamang ito sa Region III ay nasaksihan na nito ang sunod-sunod na mga mass withdrawal sa buong Gitnang Luzon na siyang patunay kung gaano ka epektibo ang programa ng whole of the nation approach ng pamahalaan lalong-lalo na sa mga komunidad na talagang infiltrated ng CPP-NPA-NDF.

Kaya kampante rin umano ito dahil alam niyang maipagpapatuloy ni NSA Eduardo Año ang mga nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa laban nito sa mga komunistang teroristang grupo lalo na’t kabilang din ito sa mga haligi nang binuo ang Executive Order 70 noong December 4, 2018.

“Mapagpapatuloy po niya yung mga naumpisahan ng mga programa na naumpisahan po laban sa communist terrorist group ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, ng ating former NSA Secretary Hermogenes Esperon at ni former Director General Alex Paul Montejudo kaya panatag po ang aming loob,” dagdag ni Balagtas.

Samantala, nagpapasalamat naman si Balagtas sa panunungkulan ni dating NSA Chair Clarita Carlos kahit na sa maikling panahon lamang.

Nagbabala naman ito sa mga mamamayan lalo na sa mga kabataan at mga magulang na mayroon pa ring recruitment na nagaganap sa hanay ng mga makakaliwang grupo upang sumampa sa armadong kilusan upang labanan ang gobyerno at muling magpalakas kaya kanya itong pinag-iingat at pinagmamasid lalo na sa mga organisasyon na prente ng mga CPP-NPA-NDF.

 “Nananawagan po ako na bantayan po natin ang ating mga anak at ang mga kabataan naman, magseryoso po tayo sa ating pag-aaral para po sa ating magandang kinabukasan,” ani Balagtas.

Follow SMNI NEWS in Twitter