POSITIBO ang pananaw ng mga negosyante na makakabawi na sila mula sa naging epekto ng COVID-19 pandemic sa kanilang mga negosyo sa 4th quarter ng 2021 ngayong papalapit na ang holiday season.
Ayon kay Philippine Retailers Association (PRA) President Rosemarie Ong sa katunayan, kumikita na muli ang mga physical store ng non-essential sector.
Nakatulong dito ang pagiging bakunado ng mga tauhan sa mga retail establishments.
“Very hopeful talaga tayo, we are expecting that we will be better this last quarter of the year ‘no. Lalung-lalo ngayon, umpisa na ng pagsa-shop di ba. Alam naman natin na kapag dumarating na iyong ‘ber’ months ‘no. This is the most anticipated time of the year, not only for retailers, pero sa lahat ng ating mga kababayan. Alam naman natin na ang Pilipinas talaga is a consumption-driven economy ‘no. So we are hopeful and we expect na it would be better and hopefully even stronger pagtapos ng taon,’’ayon kay Ong.
Dagdag ni Ong nang magsimula ang pandemya, naging patok din aniya ang pagbebenta ng mga produkto online, sanhi upang patuloy na kumita ang ilang mga negosyante.
Una nang sinabi ni Presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion na kinakailangang makabawi ang ekonomiya sa fourth quarter ng taon para maging maganda ang pasok ng 2022.