KINUMPIRMA ni Cielo Villaluna, tagapagsalita ng Philippine Airlines (PAL) na ang mga pasaherong may valid na Visa Waiver Authorizations sa ilalim ng Electronic System for Travel Authorization (ESTA) ay maaari nang magpatuloy sa paglipad patungong Estados Unidos sa pamamagitan ng naturang airline.
Ang pahayag ng PAL ay kasunod sa pagtanggap nila ng kumpirmasyon mula sa U.S. Customs and Border Protection na maari nang ipagpatuloy ng naturang airline ang pagpapasakay sa mga non-immigrant traveller patungong Estados Unidos na kwalipikado sa ilalim ng US Visa Waiver Program.
Sa ilalim ng US Visa Waiver Program, pinapayagan ang mga mamamayan sa 40 bansa na maglakbay patungong Estados Unidos na hindi na kailangan ng US Visa at ang naturang pakay lamang ay may kinalaman sa pagnenegosyo o turismo na hindi lalagpas sa 90-araw.
Matatandaan kamakailan, naiulat na nagkaroon ng konting gusot ang PAL sa isyu ng US Customs Visa Waiver Agreement at ang ilan sa mga pasahero ng PAL na kwalipikado sa Visa Waiver Program ay naapektuhan.