Mga spaghetti wires sa Metro Manila, perwisyo ang dulot sa publiko

Mga spaghetti wires sa Metro Manila, perwisyo ang dulot sa publiko

PERWISYO ang dulot sa publiko ng mga spaghetti wires sa Metro Manila.

Halos abot-tao na ang kable ng kuryente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Kapansin-pansin din sa itaas na bahagi nito ang mga buhol-buhol na mga kable ng kuryente. Ang lugar na ito ay sakayan ng mga pasahero.

Kaya para kay Jonathan, delikado ito para sa mga commuter gaya niya na diyan sumasakay papasok sa trabaho at pauwi ng bahay lalo’t nasa panahon na tayo ng tag-ulan.

“Kailangan ayusin siya kasi lalo na ‘pag bumabagyo. May tendency minsan kapag mga bagyo or tendency malakas ang ulan, nalalaglag or tendency na magkaroon ng circuit,” ayon kay Jonathan Mirabel, Commuter.

Para sa mga inspector ng bus na nakapuwesto sa nasabing sakayan, dapat nang matanggal o maayos ang mga buhul-buhol na mga kable lalo na sa mga pangunahing kalsada.

“Delikado iyan. Delikado. Hindi, hindi safe iyan. Kasi nadadaanan niyan eh. Araw araw dinadaanan niyan eh,” ayon kay Carlos Gonzales, Bus Inspector.

“Dapat tanggalin dahil nakakaabala rin iyan eh. Malaking bagay kapag natanggal iyan,” ayon naman kay Andy Daquiado, Bus Inspector.

Sa isang press conference, ibinahagi rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang mga litrato ng mga nagsibagsakan na mga poste ng kuryente dahil nabibigatan na sa mga patung-patong na mga kable.

“Imaginin niyo po ang poste na ito kung tao ang nabagsakan, magkakaroon po ng serious injuries and maaari pong umabot sa pagkamatay,” ayon kay Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Metro Manila LGUs, maglalabas ng kani-kanilang mga ordinansa para tugunan ang problema sa spaghetti wires

Dahil dito, napagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC) na maglabas ang bawat lokal na pamahalaan sa Metro Manila ng kani-kanilang mga ordinansa para tugunan ang problema sa spaghetti wires.

Ayon kay San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora, kadalasan sa mga kable na ito ay pagmamay-ari ng mga telecommunication companies.

“Karamihan po sa mga wires na ito ay useless. Mga hindi na po gumagana, hindi na po ginagamit. Pwede nang tanggalin. Kaya sa bisa ng mga ordinansa na ipapasa ng mga local government units ay magkakaroon ng koordinasyon ang LGUs, ang Meralco, ang mga telcos upang i-trace kung alin sa mga wires na ito ay hindi na talaga kailangan,” ani Mayor Francis Zamora, President, Metro Manila Council.

Sabi pa ni Zamora ay magkakaroon din ng regulasyon sa pagkakabit ng mga kable ng kuryente kung saan kinakailangang makipag-coordinate ng mga telco company at ng Meralco sa LGU.

Magsasagawa naman ng information campaign para abisuhan ang mga maaapektuhan ng service disruption sa kuryente at internet dulot ng paglilinis ng mga kable.

Paglilipat ng mga kable sa underground, pag-aaralan ng MMDA

Kaugnay rito ay pag-aaralan na ng MMDA ang paglilipat ng mga kable sa underground.

“Although costly siya pero may nagsabi na sa ibang lugar tulad ng GenSan at Davao ay mayroon nang ganito na nailipat na sa ilalim ng lupa ‘yung mga wires na kailangan din po naming aralin para ma-implement din po at matularan at magaya dito sa Metro Manila,” saad ni Artes.

Nagsimula ang Underground Cabling project sa Davao City noong 2018 na may limang phases.

Sa ngayon, nasa third phase na ang nasabing proyekto at inaasahang makukumpleto ito sa first quarter ng 2025.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble