SA ikatlong pagkakataon, muling nagkaisa ang mga taga-suporta ni Vice President Sara Duterte sa Japan sa ginawang “protect and support VP Sara Duterte March and Rally”
Hindi alintana ng mga taga-suporta ng PDP-Laban at ng mga Duterte ang malamig na panahon sa Japan para ipakita ang kanilang malakas at napakainit na suporta sa mga ito sa naganap na march and rally.
Naganap ang marching rally noong Linggo, Pebrero 16, 2025 kung saan nagsimulang maglakad ang mga taga-suporta mula sa kahabaan ng Shinjuku Central Park hanggang sa Shinjuku Station.
Nakiisa rin sa marching rally ang mga masugid na taga-suporta ni Pastor Apollo C. Quiboloy, ang spiritual leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ang inisyatibo na ito ay sa pangunguna ng Republic Defenders for Peace and Unity (RDPU) kasama ng mga Filipino Community mula sa iba’t ibang parte ng Japan matapos bawasan ang security details ng Vice President.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na muling nagsama-sama sa rally ang mga taga-suporta ni VP Sara.
Unang naganap ay ang stand-up rally noong Disyembre 29 nang nakaraang taon, sumunod ang anti-impeachment stand-up rally na ginanap sa Keisei Ueno Station nito lamang Pebrero 9, 2025 na dinaluhan ng sikat na Filipino political vlogger na si Banat By.
Matapos ang marching rally, sinundan ito ng kanilang panawagan na itigil ang impeachment case laban kay VP Sara sa pamamagitan ng kanilang binuong anti-impeachment campaign na magkasunod na ginawa sa Shinjuku at Shibuya Station na kung saan inanunsiyo ng mga taga-suporta ang kanilang tiyak at siguradong ipapanalo ngayong darating na mid-term elections.
Nangunguna sa listahan ng susuportahang kandidato ng RDPU ay si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Sunod dito sina, Sen. Christopher Bong Go, Atty. Rodante Marcoleta, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Atty. Jesus “Jayvee” Hinlo, Atty. Raul Lambino, Atty. Victor Rodriguez, Philip Salvador, at Doc Richard Mata.