Mga tumatangkilik sa mga substandard na pailaw tuwing Pasko, binalaan ng BFP

Mga tumatangkilik sa mga substandard na pailaw tuwing Pasko, binalaan ng BFP

NAGBABALA ngayon ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko lalo na sa pagtangkilik ng mga substandard na pailaw tuwing holiday season.

Kasunod ito sa pagtaas ng kaso ng sunog ngayong taon.

Ilang dekada nang negosyo ng pamilyang Pizarra ang pagbebenta ng parol sa kahabaan ng Republic Avenue, Sauyo Road sa Novaliches sa Quezon City.

Ayon kay Joseph, Hulyo ng taon pa lang ay nagsimula na ang kaniyang pamilya sa paggawa ng iba’t ibang disenyo nito.

“Matagal kasi ang preparation ng handicrafts. Maraming kamay ang pinagdadaanan para ma-meet namin ‘yung production na ganon karami, kailangan maaga kami nag-uumpisa,” ayon kay Joseph Pizarra, nagtitinda ng parol.

May mga tindahan kasi na nag-aangkat sa amin tulad sa Pampanga, sa Dapitan, sa Cavite, Nueva Ecija.

Pagpasok pa lang ng buwan ng Setyembre ay nasa 500 parol na ang kanilang nagawa na handa na para ibenta.

Tinitiyak din nilang ligtas at kalidad ang kanilang ginagamit na pang-disenyo sa parol tulad ng LED lights.

“Pagkatapos naming buuhin ng ganito ‘yan mga dalawang araw namin na tini-testing bago namin bago irelease sa customer,” ayon pa kay Pizarra.

“Siyempre kapag nagkaroon ng problema na ‘yan ay wala na ‘yung negosyo mo,” aniya.

“Itong mga produkto ay import ito, siyempre may ICC ito,” aniya.

Ang 15 inches na parol sa tindahan ni Joseph ay mabibili ng P1,000 habang ang 20 inches naman na parol ay nagkakahalaga ng P1,500 at P7,500 naman ang presyo ng 52 inches na parol at posible pang magbago dahil mas maraming ilaw mas mahal aniya.

Naitalang sunog ngayong 2023, tumaas kumpara noong 2022

Samantala, nagbabala naman ang Bureau of Fire and Protection (BFP) sa mga mamimili na maging maingat sa pagbili ng mga pailaw tuwing Pasko.

Ayon kay BFP chief Fire Director Louie Puracan, nagiging sanhi ng mga sunog ang mga substandard na pailaw na naibebenta.

“Go for quality not for the price, karamihan sa mga quality ay medyo mamahalin. Ang ugali ng mga Pilipino doon sa mga mumurahin, nagtitipid,” pahayag ni F/Dir. Louie Puracan, Chief, BFP.

Kaugnay nito, sinabi ng BFP na mas mataas ang fire incident ngayong 2023 kumpara noong 2022.

 “Medyo tumaas ng konti, the same period kasi last year the same period, close to 9,000 pero this year nasa mahigit 10,000 na tayo,” ani Puracan.

“Isa sa nakita naming rason ay very active na tayo ngayon kasi kakatapos lang nung pandemic marami ng activity talaga mga human activity ngayo. Dati nasa bahay lang ‘yung karamihan ng tao ngayon nagfull swing na ang economy. So, siguro may significance rin ‘yung movement ng tao,” aniya pa.

Paalala nito sa publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga produkto upang makaiwas sa anumang sunog.

“Maging maingat tayo sa mga gamit natin sa bahay lalo na kapag electrical connections, huwag magtipid kung maaari sana quality na sana na bilhin natin na gamit. Isa pa kapag holiday kasi nagbabakasyon tayo, iniiwanan yung bahay natin, bago tayo umalis sa mga bahay natin iswitch off yung mga breakers natin at walang rechargeable sana kung maaari lang,” dagdag ni Puracan.

Tiniyak ng BFP na regular silang may monitoring lalo na sa mga pagawaan ng mga produkto na tinatangkilik ng mga Pilipino tuwing holiday season.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble