Nasa 2,000 violators ng ‘anti wang-wang policy’, naitala ng HPG

Nasa 2,000 violators ng ‘anti wang-wang policy’, naitala ng HPG

MAS pinahigpit pa ang implementasyon ng pagbabawal sa paggamit ng blinkers, wang-wang at iba pang signaling o flashing device.

Ito nga’y matapos na maglabas ng administrative order ang Malakanyang para pagbawalan ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na gumamit ng naturang mga device sa mga pribadong sasakyan.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) – Highway Patrol Group nakaka-distract ang mga ito sa kapwa motorista dahil sa kakaiba nitong tunog na posibleng maging dahilan ng aksidente sa lansangan.

Bilang tugon, mahigpit na nagbabala ang PNP sa mga motorista kasama na rin ang paalala na sundin ang iba pang road safety measure at regulasyon para sa maayos na daloy ng trapiko.

Ang Presidential Decree 96 o ang pagbabawal sa paggamit ng wang-wang at blinkers ay ipinatutupad sa bansa noon pang 1973.

Samantala, muli ring ipinaalala ng mga awtoridad na maaaring pagmultahin ng mula 5,000 hanggang 30,000 piso ang sinumang lalabag sa hindi awtorisadong paggamit ng bus lane.

Maliban nga sa multa ay puwede ring ma-revoke ang lisensiya ng mga lalabag sa ilalim ng MMDA Regulation 23-002.

Kakaunti pa ang hawak na datos ng pulisya kaugnay ng mga nahuling lumabag sa kautusang ito. Sa kabila nito’y umaasa sila na hindi na lolobo pa ang bilang na ito hanggang sa katapusan ng taon.

PNP magsasagawa ng operasyon vs online na bentahan ng wang-wang at blinker 

Sa kabilang banda, para higit na maipatupad ang kautusang ito, isa rin sa mga pangunahing babantayan ng PNP ang mga nagbebenta ng blinkers, wang-wang at iba pang kahalintulad na gadgets na walang kaukulang permit.

Samantala, aminado ang PNP na maging sila ay hindi exempted sa traffic rules ng bansa. Pero ‘yun lang at may mangilan-ngilan pa rin aniya na bigong makasunod sa mahigpit na pagpapatupad ng bus lane policy.

Sa ilalim ng MMDA Regulation 23-002 pagmumultahin ang sinumang lalabag sa naturang regulasyon kasama na ang rebokasyon ng lisensiya sa ilalim ng rekomendasyon ng Land Transportation Office (LTO).

Pinakahuling nahuli rito ang dating gobernador na si Chavit Singson na kalauna’y humingi rin ng paumanhin matapos na mag-overtake ang kaniyang drayber.

Follow SMNI NEWS on Twitter