Natapos na ang botohan sa Maluso, Basilan, kung saan natuklasan ang mga pre-shaded ballot.
Kailangang may makasuhan at mapanagot ang nasa likod ng pre-shaded na balotang natuklasan sa ilang presinto sa Maluso, Basilan noong Lunes.
Ito ang panawagan ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Sarmiento sa publiko at sa COMELEC.
‘’’Yong Basilan may gulo, nararapat lang na kasuhan, what to file encourage them to file para hindi na maulit sa darating na eleksyon,’’ ayon kay Sec. Mel Sarmiento, Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity.
Binigyang-diin naman ni COMELEC Chairman George Garcia na mananagot sa batas ang mga nasa likod ng pre-shaded ballots sa Maluso, Basilan.
Matatandaang inilagay ng COMELEC sa ilalim ng kanilang kontrol ang Maluso matapos makompromiso ang 36 sa 86 na presinto dahil sa mga pre-shaded ballot, o mga balotang may nakamarkang boto bago pa man isagawa ang halalan.
Samantala, sinabi ni COMELEC Chairman Atty. George Garcia na tatapusin na ng COMELEC ang halalan hanggang mamayang hatinggabi.
Kasunod nito, ipoproklama na ang lahat ng mga nanalong kandidato sa BARMM Elections.
Inaasahang makukumpleto ng COMELEC ngayong araw ang proklamasyon sa mga nanalo sa unang parliamentary elections sa BARMM.
