NEDA sa Asian investors: Ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagsasaprayoridad sa infra development

NEDA sa Asian investors: Ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagsasaprayoridad sa infra development

SINIGURADO ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa mga mamumuhunang Asyano na patuloy na uunahin ng Philippine government ang pagpauunlad ng imprastraktura sa bansa.

Sa dinaluhang Philippine Economic Briefing sa Singapore ng economic team, binigyang-diin ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang kahalagahan ng pagpopondo at pamumuhunan sa 194 na ‘Build-Better-More’ Infrastructure Flagship Projects (IFP) ng Marcos administration.

Hinikayat ng kalihim ang mga negosyante na maging katuwang ng bansa sa pagkamit ng mga layunin sa pag-unlad.

Ipinahayag din ni Balisacan na kinikilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang napakalaking potensiyal ng pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor.

Kaya naman, naatasan ang economic managers na ituloy ang Public-Private Partnerships (PPPs) bilang paraan ng pagpopondo sa pagpauunlad ng critical infrastructure sa bansa.

Nangako naman ang administrasyon na pananatilihin ang annual spending sa imprastraktura sa lima hanggang anim na porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) mula 2023 – 2028.

Ito ay katumbas ng humigit-kumulang USD20-B hanggang USD40-B bawat taon.

Marami sa mga proyektong ito ay tututuon sa pangunahing imprastraktura na nagsisilbing isang growth driver, na nagbibigay-daan sa mga oportunidad sa ekonomiya at pagbuo ng trabaho.

Sa ikaapat na pagpupulong ng NEDA Board, inaprubahan ng gobyerno ang 194 IFPs na nagkakahalaga ng humigit-kumulang USD148-B o P8.3-T.

Karamihan sa mga proyektong ito ay nakatuon sa pagpapahusay ng physical at digital connectivity, pati na rin ang pangangasiwa ng mga mapagkukunan ng tubig.

Mahigit sa kalahati ng mga proyekto ay popondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA), habang 30 porsiyento ay tutustusan sa pamamagitan ng PPPs.

Ang mga proyektong ito ay nakahanay sa Philippine Development Plan 2023-2028, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng imprastraktura.

Sinabi ni Balisacan na magbibigay-daan ang mga proyektong ito sa pamahalaan na makamit ang layunin nito na tugunan ang parehong short-term challenges at long-term constraints sa paglikha ng trabaho at pagbabawas ng kahirapan.

Samantala, hinikayat ng NEDA chief ang sektor ng negosyo na tustusan ang mga proyektong ito sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mga pakinabang ng pamumuhunan dito sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Balisacan na ang malawak na consumer base ng Pilipinas na 110 milyong tao at ang demograpikong dibidendo ng bansa nito ay mahalagang mga salik na dapat isaalang-alang kapag namumuhunan.

Binanggit din ni Balisacan na ang bansa ay kasama sa Regional Comprehensive Economic Partnership, na siyang pinakamalaking free trade agreement sa buong mundo.

Ang kasunduang ito ay nagbibigay-daan sa mga negosyo ng access sa higit pang mga mapagkukunan ng mga input na nagtataguyod ng paglago ng ekonomiya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter