Olympics, magpapatuloy kahit na anong maging ebolusyon ng coronavirus

MAGPAPATULOY pa rin ang naudlot na Olympics ngayong taon kahit na anong maging kondisyon ng coronavirus ayon kay Tokyo 2020 President Yoshiro Mori.

Sinusubukan ng organizer ng Olympics, pamahalaan ng Japan at Olympic officials na makakuha ng suporta para sa games sa kabila ng pagtaas ng bilang ng impeksyong sa buong mundo, anim na buwan bago ang opening ceremony.

Muling dumami ang duda tungkol sa pagpapatuloy ng Olympics habang maraming bansa ang napuwersahang magpatupad ng lockdowns at maraming parte rin ng Japan ang kasalukuyang nakasailalim sa state of emergency.

Ngunit sa kabila nito ay kumpyansang sinabi ni Mori na siguradong ipagpapatuloy nila ang Olympics kahit ano man ang maging ebolusyon ng COVID-19.

Ani Mori, hindi na dapat pang pag-usapan kung itutuloy ba dapat ang Olympics o hindi at sa halip, ay dapat na pag-usapan kung paano ito gagawin at dapat aniyang umisip ng bagong Olympics sa ganitong klaseng sitwasyon.

SMNI NEWS