P2-B, nawawala sa Pilipinas kada araw dahil sa pandemya —Pangulong Duterte

MATINDI ang naging epekto ng pandemya na dulot ng COVID-19 sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan hindi lang aniya sa Pilipinas nararamdaman ang epekto ng pandemic sa ekonomiya, kundi maging sa buong mundo.

Sambit ni Pangulong Duterte, aabot sa P2-B kita ang nawawala kada araw bunsod ng ipinapatupad na restriksyon sa galaw ng mga tao sa gitna ng kinakaharap na health crisis.

“Tayo, maganda na sana noong hindi dumating ‘yung COVID we were doing fine. Hindi naman ‘yung very good. We were doing good. Tapos dumating ‘yung COVID. Walang kita, walang ano. Ngayon, mababa na ang value… Well, ang GDP natin sabi ngayon it’s about nine. According to the Secretary of Finance, araw-araw ngayon hanggang matapos itong COVID, araw-araw we are losing two billion na pera para sana ‘yon sa mga tao ‘yung the workers, the Filipino workers, would have earned that money kung ang ekonomiya natin gumagalaw,” pahayag ng pangulo.

Una na ring inihayag ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na P2.8 billion ang nawawalang kita ng bansa dahil sa household spending losses at unemployment.

Ipinunto rin ni Pangulong Duterte na kabilang sa main factors sa pagbagsak ng ekonomiya ay ang pinaiiral na physical distancing measures, limitadong pagbubukas ng negosyo at limitado ring operasyon ng pampublikong transportasyon.

Sa kabila nito, sabi ng chief executive sa gitna ng sitwasyong nararanasan ngayon ay hindi natin aniya magagawang makipagtalo sa mga siyentipiko sa mga bagay na ito at wala tayong magagawa kundi sumunod sa ipinaiiral na health protocols.

Pero pagtitiyak ng presidente sa publiko, ginagawa ng gobyerno ang lahat ng makakaya upang maibangon muli ang ekonomiya ng bansa kahit nariyan pa rin ang pandemya.

Mababatid na bumulusok sa -9.5 percent ang full economic growth ng Pilipinas noong 2020, pinakamababang pagtala simula nang umpisahan ng Philippine Statistics Authority o PSA ang pangongolekta ng datos o annual growth rates noong 1946.

Gayunpaman, positibo ang pananaw ng economic experts na magkakaroon ng dahan dahang pagsigla ng ekonomiya sa ikalawang kwarter ng 2021 at inaasahan naman ang full rebound sa 2022.

SMNI NEWS