INIHAYAG ng Department of Agriculture (DA) na isang buwan bago ang pagtama ng El Niño, naka-standby na ang pondong gagamitin sa pagpapautang sa mga magsasaka at mangingisda na maapektuhan.
Ayon kay Agricultural Credit Policy Council (ACPC)-DA Deputy Executive Director Cristina Lopez ng DA, nasa kabuuang P750-M ang inilaan ng pamahalaan.
Aabot sa P25,000 ang maaaring utangin ng mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Program.
At hanggang P300,000 naman para sa mga may negosyo na may kaugnayan sa pagsasaka at pangingisda.
Ito aniya ay zero interest at puwedeng bayaran sa loob ng 3 taon.
Nilinaw naman ng ACPC na hindi lamang magsasaka at mangingisda na maapektuhan ng El Niño ang maaaring makautang.
Kasama rin ang mga magsasaka na maapektuhan ng mga kalamidad at iba pa.
Tanging mga rehistradong magsasaka at mangingisda lamang ang makaka-avail ng naturang programa at kailangan magsumite ng kanilang loan applications, valid identification card, picture at iba pa.