Magiging host ang Pilipinas at chairman ng ASEAN Summit at all related summits ngayong taon.
Dahil dito, inaasahan ang pagpunta sa bansa ng mga head of state mula sa 11 ASEAN member countries.
Inaasahan din ang pagdalo ng mga world superpower na hindi miyembro ng ASEAN gaya ng United States, China, Russia, at iba pang bansa.
Ngunit ayon sa CPA economist na si Cora Guidote, dahil sa kasalukuyang investor climate sa bansa, nanganganib umanong i-boycott ng world leaders ang summit.
“Actually, medyo kinakabahan ako sa pagho-host natin sa ASEAN. Usually, kapag walang tiwala ang mga bansang iyan, baka hindi sila magpadala ng heads of state at mga lower officials lang ang ipadala,” wika ni Cora Guidote, CPA Economist.
Ayon kay Guidote, nakikita umano ng potential investors ang panggigipit sa mga lokal na negosyong itinuturing na kalaban sa politika ng administrasyon.
“Tingnan mo ang nangyari kay Congressman Leandro Leviste. Isa siyang major businessman na nag-invest sa solar power plants, tapos ngayon tinatanggalan siya ng lisensya dahil may ibinubunyag siyang katotohanan tungkol sa DPWH,” dagdag ni Guidote.
Pinagmumulta ngayon ng Department of Energy (DOE) ng P24B ang Solar Philippines Power Project Holdings Inc., ang renewable energy firm na itinatag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
“We will pursue this obligation, the imposition of this obligation to all the developers that are supposed to pay for this,” ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Ayon sa DOE, bigo umano ang kompanya na tuparin ang mga ipinangakong produksyon ng kuryente sa ilalim ng iba’t ibang service contract.
Sa kaniyang official Facebook page, iginiit naman ni Leviste na panggigipit ang ginagawa sa kaniya.
Ani Leviste, ang nasabing kompanya ang may pinakamalaking kapasidad ng renewable energy sa bansa at nakapagdala ng pinakamalaking foreign investment sa Pilipinas noong 2025.
Hawak umano ni Leviste ang tinaguriang Cabral Files ng yumaong dating Public Works undersecretary na si Maria Catalina Cabral, na naglalaman ng listahan ng mga politiko at opisyal na sangkot sa anomalya sa flood control.
“So kung ganoon ang gagawin ng gobyerno, imbes na ayusin ang corruption, iyong nagbubunyag pa ng katotohanan ang ino-oppress. Eh businessman iyon,” giit ni Guidote.
Inaasahang makalilikha ng maraming trabaho ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit, lalo na sa sektor ng turismo, hotel and restaurant, at transportasyon.
“So iisipin ng businessman, kapag kinontra mo ang gobyerno matatanggalan ka ng business. That’s very arbitrary, at iyan ang nakakaapekto sa confidence ng mga investors,” aniya.
