Pagbabalik sa ECQ sa Metro Manila ngayong Marso, malabo —Malakanyang

IGINIIT ng Palasyo ng Malakanyang na malabong ibalik muli sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang Metro Manila sa buwan ding ito.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa kabila ng pagtaas ng kaso ng coronavirus disease o COVID- 19.

(BASAHIN: COVID-19 cases sa Maynila tumaas, security measures hinigpitan)

Pero pagsapit ng Abril, aminado si Roque na hindi pa siya sigurado kung ano ang magiging kahihinatnan ng quarantine status sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa Metro Manila.

 “Hindi po natin alam kasi kung hindi po natin mapapababa yung R-naught na 1.9, ang ibig sabihin po nun, ang isang tao na may COVID ay makakahawa ng at least dalawa. Yun po ang ibig sabihin ng R-naught…Mabilis po iyon. I really do not know what will happen in April kaya po binabantayan natin,” pahayag ni Roque.

Binigyang diin din ni Roque na napakahirap na talagang magsarado muli ang ekonomiya.

Gayunpaman, mahigpit na binabantayan ngayon ng pamahalaan ang pagdami ng kaso ng coronavirus.

Kasama na rin aniya ang health care utilization rate kung saan kinakailangang may sapat na mga kama ang mga ospital para gamutin ang malalang magkakasakit.

“Sa akin naman po, kung darami ang numero, pero kagaya ko na asymptomatic, ay hindi naman po dapat siguro na magsarado tayo kung sapat-sapat naman po iyong ating mga kakayahan na gamutin iyong mga magkakasakit ng seryoso. And I guess, I can speak with authority now since now I’m part of the statistics,” ani Roque.

Pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay, inirekomenda

Samantala, inihayag naman ni Department of the Interior and Local Government o DILG Undersecretary Jonathan Malaya na hindi sapat ang pagpapatupad ng lockdown para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.

Ani Malaya, mahalaga rin ang kontribusyon ng mga Pilipino para hindi lumala pa ang transmisyon ng virus.

Kaugnay nito, hinikayat ng DILG ang mamamayan na magsuot ng facemask kahit sa loob ng bahay lalo’t pami-pamilya na ang naghahawaan ng COVID-19.

“Dati ang COVID nakukuha sa workplace, pero ngayon pami-pamilya na. Dahil nagkaroon po ng COVID fatigue ang ating mga kababayan simula nang nagsimula ang immunization program,” pahayag ni Malaya.

Pabor din si Department of Health o DOH Epidemiology Bureau Dir. Alethea de Guzman na magsuot ng face mask kahit sa loob ng tahanan.

Dapat din aniya na ikonsidera bilang “important” practice ito lalo na kapag mayroong kasamang matatanda o miyembro ng pamilya na may comorbidities.

Kung natatandaan po natin last year, ‘yung ni-launch ang BIDA solusyon, ini-encourage natin ang mga communities na kahit sa bahay ay magsuot ng mask,” ayon kay De Guzman.

Nitong linggo, nakapagtala ang Pilipinas ng halos 5,000 bagong COVID-19 cases habang ngayong araw naman ay nakapagtala ng 5,404 new coronavirus cases.

Batay sa pag-aaral ng OCTA Research team, posibleng papalo sa 8,000 ang new COVID cases kada araw kung magpapatuloy ang kasalukuyang trend na 1.9 reproduction rate.

SMNI NEWS