NASA mahigit 8,000 OFWs na hindi nabayaran ang kanilang suweldo ng ilang kompanya na nalugi sa Saudi Arabia ang umaasa na makukuha na ang kanilang claims ngayong taon.
Kung matatandaan, personal na ipinangako ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbabayad na ito sa claims ng OFWs, sa naging pulong noong Nobyembre, 2022 sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.
Nitong buwan ng Pebrero, opisyal na inanunsiyo ng kasalukuyang administrasyon na tuluy-tuloy na ang ginagawang pagbabayad ng KSA sa claims ng OFWs na hindi pa nakukuha ang suweldo, mula nang malugi ang mga kompanya na pinagtra-trabahuhan ng mga ito sa Saudi, siyam na taon na ang nakalilipas.
Pero hanggang ngayon para sa kanila ay pahirapan pa rin ang pagkuha.
Si Cherrie na isang biyuda ng kaniyang yumaong asawa ay aminado na napakabusisi ng mga dokumento na hinihingi ng Saudi government.
Sinabi niya, hindi naman kasi nangyari ang pangako ng Department of Migrant Workers (DMW) na government to government para sa proseso ng kanilang claims.
“Kasi ang hinahanap naming dito nasaan na ang pinangako ng prinsipe na 2-B riyals na government to government na raw ang usapan, pero ang nangyari nag-direct ang Saudi government na ipadala ang mga cheke sa claimants,” ayon kay Cherrie Bigayan, Saudi Claimant.
Aniya ang iba sa mga kasamahan niyang claimants kahit approve na sana ang mga dokumento, na-deny pa rin ang cheke dahil sa pahirapan ang mga hinihinging requirements partikular na sa mga banko.
“Minimiting po kami ng DMW regarding po diyan na sila po raw ay may counterpart sa Saudi na hindi na raw kami dadaan sa bankruptcy portal, pero dumaan pa rin po kami sa butas ng karayom bago po makuha ng ibang claimants ng mga buhay ‘yung sinabi po ni BBM na 1500 na po ang nakakakuha ng claims,” ani Bigayan.
Sa kanilang hanay ng mga biyuda mahigit 200 pa ang umaasa na tatanggap ng claims mula sa Saudi.