WALANG kinalaman sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) ang nakatakdang pagbisita sa Pilipinas ni United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan.
Ito ang binigyang-linaw ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Undersecretary Paul Gutierrez sa ‘Bagong Pilipinas Ngayon’ briefing.
Paliwanag ni Gutierrez, ang pagbisita ni Khan ay gagawing pagkakataon upang i-highlight ang katotohanan na isang bansang matibay ang Pilipinas pagdating sa pagtutuguyod ng mga karapatang pantao lalo na sa pamamahayag.
Kabilang sa mga ahensiyang nais mabisita ni Khan ang Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), Korte Suprema, mga lider ng Kongreso at maging ang mga opisyal ng NTF-ELCAC.
“Inaayos po nating makausap niya po mismo si Speaker Martin Romualdez; siyempre po, hindi po mawawala diyan ang atin pong chairman sa PTFOMS, si Secretary Boying Remulla.”
“Iyon pong ating nasa National Security Cluster; at lahat naman po ng mga opisyal ng mga ahensiyang nabanggit ay handa pong makipag, ‘ika nga, talastasan kay Ms. Irene Khan,” saad ni Usec. Paul Gutierrez, Executive Director, PTFoMS.
Isa rin sa nais makausap ni Irene Khan ay si dating Senadora Leila de Lima.
Pero giit ng opisyal, walang dapat ipag-alala sa pagbisitang ito ng UN Special Rapporteur.
“Gusto ko pong i-stress, wala pong itinatago ang ating administrasyon pagdating po sa pagtataguyod ng karapatang pantao at pamamahayag sa ating bansa, so tingin po natin ay wala po tayong dapat ikatakot o ipangamba sa pagbisitang ito,” dagdag ni Gutierrez.
Ibinahagi rin ni Gutierrez na nais ding mapuntahan ng UN Special Rapporteur ang Baguio, Cebu, at Tacloban.
Sa katunayan, nakagawa na aniya sila ng koordinasyon sa mga opisyal sa mga nasabing lugar.
“And we will try, as a good host as we are – we are known for our hospitality – we will try to make her visit, the visit that is not only productive but also comfortable for all,” ani Gutierrez.
Sa pagbisita ni Khan, ayon kay Gutierrez, batay na rin sa mandato ng UN Special Rapporteur, aalamin niya kung ano ang mga nagawang hakbang ng administrasyon para sa mga kritikal na isyu ukol sa ‘freedom of opinion and expression.’
Bibisita ang UN Special Rapporteur sa Pilipinas mula Enero 23 hanggang Pebrero 2 ngayong taon.