Pagbuhay sa prangkisa ng ABS-CBN, hindi pinaboran ni dating Speaker Cayetano

HINDI pinaboran ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagbuhay muli sa prangkisa ng ABS-CBN.

“Not at this point kasi nga may serious violations na hindi pa naman na-address,” ito ang tugon ni Cayetano sa hakbang ng Kongreso para bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.

Sa panahon ni Cayetano, ay nanindigan ang Kamara sa rule of law at ibinasura ang franchise application ng network dahil sa samot-saring mga paglabag.

Nauna nang naghain ng ABS-CBN Franchise Bill si Senate President Tito Sotto III.

Ayon kay Sotto, malaki ang tsansa ngayon na gumalaw ang prangkisa dahil bago na ang speaker at mga chairman ng komite sa Kamara.

Pero para kay Cayetano, hindi porket bago ang Speaker ay dapat nang kalimutan ang mga paglabag na nagawa ng nasabing kompanya.

“For example, — ano ibig nyong sabihin pag napalitan na naman ang leadership, puwede namang i-revoke, ang importante, yung substantive issues, yung mga issues na lumabas sa hearing na either dineny o tinanggap ng ABS, ano yung mga reporma at ano yung mga pagbabagong gagawin nila, para hindi ito maulit?” kuwestyon ni Cayetano.

Punto ni Cayetano, hindi dapat mabalewala ang resulta ng mga pagdinig na ginawa nila noon kung saan lumutang ang mga paglabag ng network.

Pero nasa kamay na aniya ng bagong liderato kung paano nila tutugunan ang isyu sa ABS-CBN.

“The problem with some of them pushing katulad ni Congressman Atienza, nagbubulag-bulagan at bingi-bingihan sa mga violations ng ABS CBN, tinatawag pa niyang mistrial. Kita nyo, exhaustive yung hearing, whether we agree or not with the penalty which is hindi ibinigay yung franchise, sineryoso namin yung violation, sa akin ngayon, I leave it up to the — nasa kanila yun. Gusto nilang patulugin muna, nasa kanila yun. But ang punto ko lang, seryosohin natin yung issues, para nga may long term solution tayo dito,” aniya pa.

Sa ngayon ay marami pang naka-pending na imbestigasyon hinggil sa ABS-CBN lalo na ang isyu sa kanilang land title kungsaan ay wala pang nakatakdang petsa dito ang House Committee on Justice.

SMNI NEWS