Paggunita ng Ika-35 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, simple at tahimik

MABIBILANG lang ang nakiisa sa anibersayo ng EDSA People Power Revolution hindi kagaya ng mga unang taon ng pagdiriwang na dinudumog ng publiko lalo na ng mga kilalang indibidwal sa gobyerno.

Nagkaroon lamang ng simpleng programa sa EDSA Monument na inumpisahan ng flag ceremony.

Pinangunahan naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang wreath laying ceremony sa People Power Monument.

Ayon kay Belmonte, naniniwala siyang hindi mawawala sa mga Pilipino ang pagbibigay halaga sa paggunita ng EDSA People Power.

Ipinaliwanag naman ni Belmonte na naging tahimik at simple lamang ang selebrasyon dahil sa patuloy na nararanasang pandemya sa bansa.

Si dating Pangulong Fidel V. Ramos naman ay nagpadala lamang ng kanyang kinatawan sa pagdalo sa taunang pagdiriwang ng anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Nabatid na simpleng flag-raising ceremony lamang ang inihanda.

Nag-alay naman ng makabayang awitin ang singer na si Renz Verano sa naturang event.

May mga nakapalibot na kapulisan para bantayan ang seguridad ng mga dadalo sa naturang selebrasyon habang may nakaposisyon ding command post.

Pagkatapos ay napansin na naging tahimik agad ang paligid at wala nang nakikitang iba pang matataas na personalidad maliban lamang sa alkalde ng lungsod ng Quezon at kinatawan ng National Historical Commission of the Philippines.

Mababatid na isang special non-working holiday ang ika-25 ng Pebrero kasabay ng paggunita ng anibersaryo ng EDSA People Power bilang pagsariwa na rin sa pag-aaklas ng mga Pilipino sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Malacañang.

Ang sentro ng selebrasyon ng ika-35 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay nasa Epifanio De los Santos Avenue (EDSA), ang lugar ng makasaysayang tagpo, kung saan nakatayo ang EDSA Monument.

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines o NHCP, ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay Kapayapaan. Paghilom. Pagbangon.

SMNI NEWS