Pagpapabuti ng kakayahan ng mga guro, feeding program at paglaban sa bullying, pinatututukan ni PBBM sa DepEd

Pagpapabuti ng kakayahan ng mga guro, feeding program at paglaban sa bullying, pinatututukan ni PBBM sa DepEd

TINALAKAY sa sectoral meeting sa Malacañang nitong Enero 11 ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) para mapabuti ang ranking ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA).

Ito ang ibinahagi ni Education Undersecretary Michael Poa sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, Enero 11, 2024.

Kabilang sa natalakay sa pulong ang pagpapataas ng kasanayan ng mga guro, pagtugon sa pangangailangan ng mga estudyante pagdating sa nutrisyon at paglaban sa bullying sa loob at labas ng paaralan.

Ang PISA, na binuo ng Organization for Economic Cooperation and Development, ay isang triennial international comparative study na sumusubok sa kakayahan ng isang 15-taong gulang sa matematika, pagbabasa, at agham.

“Nag-present po tayo sa Pangulo ng ating ways forward because the theme was really how do we improve not only our PISA performance but the overall performance of our learners in basic education,” pahayag ni Usec. Michael Poa, Spokesperson, DepEd.

Kaugnay rito, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang DepEd na ipagpatuloy ang mga pagsisikap na mapabuti ang performance ng bansa sa PISA.

Ani Poa, may direktiba ang Pangulo ukol sa pangangailangang i-update ang kaalaman ng mga guro tungkol sa teknolohiya.

“Number one, teaching quality, gusto niyang magkaroon talaga ng expertise iyong ating mga teachers, so he emphasized on the necessity of proper training programs for our teachers, of course, hand in hand with teacher’s welfare,” dagdag ni Poa.

Iprinisenta rin ng DepEd sa Pangulo ang school-based feeding program sa pamamagitan ng koordinasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Mayroon naman po tayong ugnayan with DSWD, for example. May mga programa kasi sa gobyerno ngayon pagdating sa feeding at hindi naman po sila nag-o-overlap. In fact, they complement each other; mayroon tayong continuity. So it starts with, of course, the food stamps for the families,” aniya.

Ang gobyerno ay naglaan ng P5.6-B badyet noong nakaraang taon para sa school-based feeding program. Pero tinaasan ito ngayong taon at ginawang P11.7-B.

Pagdating naman sa bullying, patuloy na palalakasin ng DepEd ang mga programang nakatutok dito sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya.

“Kung dati ang bullying stays in school, sa ngayon, because of social media, even when you leave school, puwede pa ring magkaroon ng mga incidence of bullying through the different social media platforms,” dagdag nito.

Sa nasabing briefing, sinabi ni Education Undersecretary Gina Gonong na tumaas ng dalawang puntos ang marka ng Pilipinas sa Pagbasa sa PISA at pitong puntos sa Math. Pero pagdating sa Science o Agham ay bumaba ito ng isang puntos.

“Pero hindi significant ang difference na ito. So iyong increase o kaya iyong decrease has nothing to do with performance level.”

“So talagang nananatili tayo sa low proficiency level. So 2018 at saka 2022, low performance levels tayo sa PISA,” ayon kay Usec. Gina Gonong, DepEd.

“But again, iyon nga po ‘no, we have to be conscious of the dates also that these were taken, that the PISA 2022 was taken prior to the return of in-person classes,” dagdag naman ni Poa.

Ayon kay Gonong, nasa level 1A-1B ang Pilipinas pagdating sa proficiency, at target nitong mapataas pa ang proficiency level sa hinaharap.

Sa kabila nito, sinabi niyang hindi naman nadismaya si Pangulong Marcos sa kasalukuyang antas ng kahusayan ng bansa (sa nabanggit na mga larangan).

“Actually hindi naman disappointment kundi iyong push na we need to keep working hard so that we improve our performance in PISA, pero hindi nga lang PISA kundi performance talaga ng mga estudyante natin as a whole,” ayon pa kay Gonong.

Mababatid na ang susunod na assessment ng PISA ay sa Marso 2025.

Ang sectoral meeting sa Malacañang ay pinangunahan ni Pangulong Marcos kasama si DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte, iba pang opisyal ng ahensiya at ilang cabinet secretaries.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter