KASUNOD ng kaniyang pagtanggap sa credentials ng bagong Brazilian Envoy, inaasahan ngayon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.ang pagpapalawak ng bilateral na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Brazil.
Malugod na tinanggap ni PBBM, ang credentials ni Gilberto Fonseca Guimarães de Moura, ang Brazilian Ambassador-designate to the Philippines.
Ginanap ang credentials ceremony sa Malacañang Palace nitong Enero 16, 2024.
Ayon kay Pangulong Marcos, inaasahan niya ang pagpapalawak ng bilateral na relasyon ng Pilipinas sa Brazil sa gitna ng pagtanggap sa bagong envoy ng Brazil sa Pilipinas.
Saad pa ng Punong Ehekutibo, naging isa sa mga pinahahalagahan na katuwang ng Pilipinas ang Brazil pagdating sa teknikal na kooperasyon, agrikultura, kalakalan at pamumuhunan, depensa, at pangangalaga sa kapaligiran.
Umaasa si Pangulong Marcos na magkakaroon ng mas malakas na pakikipagtulungan sa mga nabanggit na larangan.
Samantala, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kaniyang suporta sa nakatakdang pag-host ng Brazil sa 30th Session of the Conference of the Parties (COP30) sa United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) sa 2025.
Muli ring pinagtibay ni Pangulong Marcos ang pangako ng Pilipinas sa patuloy na pakikipagtulungan at suporta sa mga panuntunan ng United Nations at iba pang multilateral fora.
Sa kabilang dako, binigyang-diin ng Brazilian ambassador ang pangako ng kaniyang bansa na palawakin pa ang kolaborasyon sa Pilipinas.
Naitatag ang relasyong diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa noong 1946.
Nakatakda namang ipagdiriwang ng Pilipinas at Brazil ang ika-78 taong diplomatikong relasyon sa Hulyo ngayong taon.